Galing sa lamay.. Mag-BF todas sa riding-in-tandem

Patay ang magkasintahan nang ratratin ng riding-in-tandem habang naglalakad pauwi, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Manila.
Kinilala ang mga biktima na sina Rina Lopez, 22, at Jairius Gerard Palacio, 33, ng Gagalangin, Tondo, na namatay sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Nakatakas naman ang mga salarin lulan ng hindi naplakahang motorsiklo.
Ayon kay P/Corporal Camilo Ross Cunanan, alas-5:43 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa Rodriguez Street.
Kagagaling lang umano ng magnobyo sa isang burol kung saan nanalo sila sa sugal at habang naglalakad sila pauwi, bigla na lang silang hinarang ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at agad pinagbabaril.
Ani Cunanan, base sa pahayag ng mga kaanak ng mga biktima, wala naman kaaway ang magnobyo kaya blanko pa ang pulisya sa motibo ng pagpaslang sa dalawa.
Sinisilip din na posibleng motibo ng krimen ay ang P20,000 panalo ni Lopez na isang professional gambler.
Nanalo na umano si Lopez ng P20,000 nang magdesisyon na umuwi ang magkasintahan.
Hindi naman umano kinuha ng mga suspek ang pera kaya malabong holdap ang motibo ng krimen. Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga suspek.





Comments