top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Chua, Ignacio at Andal umusad sa World 9-Ball

Eddie M. Paez, Jr
Dec 16, 2019
1 min read

Umusad na sa knockout stage ang mga pambato ng Pilipinas na sina Johann Chua, Jeffrey Ignacio at Floriza Andal sa sumasargo nang World 9-Ball Championships at ginaganap sa magkaibang kontinente.

Tila hindi interesado sa pahinga ang mga pamosong cue artists ng bansa at pagkatapos ng 30th Southeast Asian Games kung saan humakot sila ng apat na gintong medalya ay sumasabak naman sila sa kasalukuyan sa prestihiyosong 9-Ball tournament sa Qatar at sa China ang mga kalalakihan at mga kababaihan ayon sa pagkakasunod-sunod.

Nakahakbang na papunta sa Final 64 sina Chua at Ignacio matapos daigin ang magkahiwalay na katunggali sa double elimination na qualifiers. Pinayuko ni Chua si Taiwanese Liu Ri Teng sa iskor na 9-3 sa bakbakan sa Group 7 habang ang pag-ungos naman sa Griyegong si Damianos Giallourakis (9-7) ang naging tiket ni Ignacio sa maigting na susunod na yugto ng sagupaang ginaganap sa Doha, Qatar.

Kinakailangan pa namang kumayod ni Carlo Biado, 2017 world champion, 2018 runner-up at World Pool Billiards Association no.4, sa one-loss side matapos na hiyain ni Chilean Enrique Rojas, 3-9, sa kanyang unang laro.

Sa China naman kung saan nakikipagtagisan ng husay ang mga malulupit na bilyaristang babae para sa korona ng World Women’s 9-Ball, umusad na sa susunod na bahagi ng kompetisyon si Andal dahil sa naiposteng tatlong sunod na mga tagumpay sa palaruan ng Jinghay International Holiday Hotel & Resort sa Sanya, Hainan Island.

Inilampaso niya ang Intsik na Wang Ying (7-0) bago niya naungusan sina South Korean Lee Woo Jin (7-5) at Chinese Chen Roulin (7-5). Seeded na sa main draw sina SEAG double gold medalists na sina Rubilen Amit at Chezka Centeno.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page