Carter, hindi pa kuntento sa 3-1-9 SEA Games medals

Bahagyang dismayado si Philippine Judo Federation (PJF) president David Carter sa naging resulta ng nakuhang medalya sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games.
Hindi kuntento sa 3rd overall finish sa kabuuang 3 golds, 1 silver at 9 bronze medals ang pambansang koponan sa pangunguna ni 2020 Tokyo Olympics aspirant at 4-time SEA Games gold medalist Kiyomi Watanabe, dahil hindi nito nakuha ang inaabot na target sa kompetisyon.
“It was quite disappointing,” wika ni Carter sa panayam ng BULGAR sa telepono. “Of course we didn’t able to achieve our target mark, and that is from 4-5 gold medals, so hindi iyon ‘yung gusto naming mangyari,” dagdag nito.
Nakuha ng Thailand ang kabuuang kampeonato sa Judo event na may 7 golds, 2 silvers at 3 bronze medals, habang sinundan ng Indonesia na may 4-2-4 gold-silver-bronze medals sa 4-day competition sa Laus Group Event Center sa San Fernando, Pampanga.
Muling naipagtanggol ng 23-anyos na si Watanabe ang kanyang titulo sa women’s under-63-kgs half-middleweight category sa ika-apat na sunod na pagkakataon, gayundin si women’s under-70kgs Middleweight champion Mariya Takahashi na nakuha ang back-to-back title sa biennial meet.
Nakuha ng bansa ang ikatlong gintong medalya mula kay Shugen Nakano sa men’s under-66kgs division nang talunin nito si defending champion Budi Prasetiyo ng Indonesia sa isang come-from-behind victory.
“We expect more from our athletes, but it didn’t come from what we are projecting,” sambit ni Carter, na sinabing malaking bagay talaga ngayon ang nagaganap na ‘trending’ sa buong Timog-Silangang Asya na pagkakaroon ng mga Half-National athletes. “It’s trending today.”
Inamin ni Carter na hindi lamang ang Pilipinas ang nagkakaroon ng mga Half-Japanese player’s o mas kilala bilang Filipino-Japanese.
Maging ang bansang Thailand ay mayroong dekalibreng Half-Foreign athletes na naglaro sa 30th edisyon ng biennial meet na sina Masayuki Terada, Ikumi Oeda, Kachakorn at Yuriko Warasiha.
“I was trying to explain to everyone na hindi lang tayo ang kumukuha ng Half-Foreign athletes kundi ibang bansa na rin. Sila (Fil-Japs) rin naman ang lumalapit sa atin because they want to represent the Philippines in international competitions,” pahayag ni Carter, na propesor din sa Unibersidad de Manila.
Aniya, mayroon pa siyang inaasahang madaragdag na Filipino-Japanese sa National Team ng women’s division. “I’m expecting two Fil-Japs trying to be part of the national team. We are still waiting for the confirmation, but we already talk to them,” wika nito.





Comments