P75,000 natangay.. Service ng internet company, nadale ng basag-kotse gang
- Maeng Santos
- Dec 15, 2019
- 1 min read

Mahigit sa P75,000 halaga ng mga gamit ang natangay ng isang hinihinalang miyembro ng Basag-Kotse Gang mula sa dalawang technicians ng internet company sa Malabon City.
Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao, alas-7:15 ng gabi, ipinarada nina Walter George Medina, 40, at Nathaniel Gumtang, 38, kapwa technicians ng Miescor Logistics Company, ang kanilang service sa corner ng F. Santos at M.H. del Pilar Sts., Bgy. Santulan para magkabit ng internet connection sa Tatawid Market.
Matapos mag-inspeksiyon ang dalawa sa loob ng palengke, bumalik sila sa kanilang sasakyan para kumuha ng mga gamit subalit, nagulat ang mga ito nang makita na bukas na ang pinto sa likod at basag ang sliding na bintana.
Nang tignan, natuklasang wala na ang kanilang mga gamit kabilang ang laptop na P35,000, volt Ohms meter na P30,000, company tools, dalawang ATM at iba pang mga gamit na umaabot sa P75,500.
Pinaghahanap na ngayon ang nag-iisang suspek na nakasuot ng puting t-shirt at maong pants na nakunan ng CCTV camera habang tumatakas sakay Japanese bike.





Comments