top of page

Naputol na guhit sa palad, mawawalan ng trabaho pero maisasalba ng asawa kaya hindi maghihirap

  • Maestro Honorio Ong
  • Dec 15, 2019
  • 3 min read

Maestro Honorio Ong

KATANUNGAN

  1. Matagal n’yo na akong tagasubaybay, lalo na sa mga kolum ninyong Palmistry at Numerology at medyo nalilito lang ako tungkol sa Fate Line. Ano ang ibig sabihin kapag ang Fate Line ay biglang huminto sa kalagitnaang bahagi ng palad pagkalagpas sa Head Line? May nabasa kasi ako sa kolum ninyo na ang ibig sabihin nito ay mawawalan ng trabaho o career.

  2. Tama ba ang pagkakaintindi ko kasi ganito ang nakikita ko sa Fate Line sa aking palad at kung ano ang dapat kong gawin para mahadlangan ito kung sakaling biglang mawalan ako ng trabaho?

KASAGUTAN

  1. Tunay ngang sa sandaling huminto ang Fate Line na tinatawag nating Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, matapos lumagpas sa Head Line (H-H arrow b.), ito ay babala na maaaring sa rurok ng tagumpay, lalo na sa career o propesyon, bigla kang mawawalan ng trabaho o ikabubuhay.

  2. Kapag hindi ito muling nagpatuloy (arrow c.), ibig sabihin, habang ikaw ay nagkakaedad o tumatanda, wala ka na ring magiging regular o permanenteng trabaho, ngunit kung ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow d.) ay nagpatuloy (arrow d.), tiyak ang magaganap, kahit mawalan ka ng trabaho, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran ay muli kang magkakaroon ng hanapbuhay at kasabay nito, muling makaka-recover ang kabuhayan upang muli kang umunlad sa aspetong career at pampinansiyal.

  3. Sa kaso mo, Allan, bagama’t hindi nagpatuloy ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay malinaw na sa sandaling nawalan ka ng trabaho, hindi ka na muli pang magkakaroon ng regular na hanapbuhay, sa halip, posibleng mga sideline kung saan-saan na puwedeng pagkakitaan kaya wala kang regular income.

  4. Pero sa kabila ng katotohanang nabanggit na sa itaas, bigla kang mawawalan ng career o hanapbuhay, hindi ka naman dapat na lubusang malungkot o mag-alala dahil kapansin-pansing bukod sa Fate Line na huminto (arrow c.), may namataang Guhit ng Babae na umangat kaagapay ng Fate Line (Drawing A. at B. B-B arrow e.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, bigla kang nawalan ng trabaho, yayabong o lalago naman ang career ng babaeng mapapangasawa mo na siya namang magbabangon sa nadapa o na-stranded mong kapalaran. Nangangahulugang kapag nawalan ka ng trabaho, uunlad pa rin ang inyong kabuhayan dahil sasagipin ng babaeng mapapangasawa mo ang financial aspect o kalagayang pangkabuhayan ng inyong pamilya.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ito ang kahalagahan kung bakit dapat o bakit kailangang mag-asawa ang lalaki o babae at ang kahalagahan na rin ng pagkakaroon ng pamilya kung saan kapag mahina na ang kita o hanapbuhay ng isa, ‘yung asawa naman niya ang dapat magtaguyod ng kanilang kabuhayan na kusa namang nagaganap dahil sabi nga ng pari sa kasal, “Dahil mag-asawa na kayo ngayon, kayo ay pinag-isa na” at idinugtong pang, “ang pinag-isa ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.”

  2. Habang ayon sa iyong mga datos, Allan, dahil sabi mo nga ay huminto ang Fate Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, wala kang dapat gawin ngayon kung saan habang malakas pa ang inyong hanapbuhay ay kumayod ka nang kumayod at mag-ipon upang kapag bigla kang nawalan ng trabaho ay may sariling savings ka na pandagdag sa suportang hanapbuhay ni misis na magiging daan upang mapagtapos at mapag-aral n'yo ang inyong mga magiging anak.

  3. At sa sandaling nakatapos ang mga bata sa kanilang pag-aaral, tulad ng karaniwang nagiging kalakaran sa kulturang Pilipino, ang mga anak namang ito ang maghahanapbuhay at magtataguyod sa kanilang mga magulang at dahil sa mga anak na naging successful, uunlad na ulit ang kabuhayan ng pamilya hanggang sa yumaman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page