Mga kinatatakutan noon, bumabalik kaya madalas bangungutin
- Socrates Magnus
- Dec 15, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Jennilyn_ Templaza@facebook. com
Dear Professor, Bakit madalas akong bangungutin? Nananaginip ako ng masama. Salamat!
Naghihintay, Jennilyn
Sa iyo Jennilyn, Maraming dahilan kung bakit binabangungot ang tao, pero ang lahat ng bangungot ay may kasabay na mga panaginip. Kadalasan, ang mga bangungot at panaginip na ito ay mula sa pagkakaroon ng sakit o karamdaman.
Ang panaginip mo sa biglang tingin ay wala namang kaugnayan sa sakit o karamdaman.
Kumbaga, maaaring may sakit ka, pero hindi ito ang dahilan kung bakit nananaginip ka ng ayon sa iyo ay masamang panaginip.
Ang panaginip mo ay nagbababala na ang mga kinatatakutan mo noon, lalo na sa iyong kabataan ay muling magbabalik. Hindi man eksaktong ganu’n, ang mga ito ay hahamon sa iyong pagkatao.
Ang unang inilalarawan ay ang iyong naging mga kabiguan, ‘yung mga bagay na gustung-gusto mo, pero hindi mo nakuha kaya mabibigyan ka ng pagkakataon para makuha ang mga ito kung saan para na ring sinabi na ang isa sa mga multo ng iyong nakaraan ay tinalo mo.
Dapat mo ring maunawaan na kahit hindi mapasaiyo ang gugustuhin mo, ang mahalaga ay hindi ka susuko.
Kung hindi ka susuko, hindi masasabing ikaw ay bigo dahil ang kabiguan ay nasa pagsuko.
Ang isa pang inilalarawan ng multo sa buhay ay ang pagnanasa sa iyo noon at natakot ka. Minsan, ito ay ang lalaking nagtangkang umangkin sa iyo at siya ay mas malakas sa iyo noon.
Kaya kapag muli itong nangyari, hindi ka dapat kakitaan ng takot, maging matapang ka at lumaban ka, gayundin, kahit malakas siya, ipakita mo na hindi ka natatakot.
Sa pangkalahatan, ang multo ng nakaraan na nagbabalik ay tinatalo kapag naging matapang, matatag, matibay at lumalaban ang pinagmumultuhan.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments