Endurance ni 58-year old Donneza, matibay sa duathlon at ultra
- Nympha Ang
- Dec 15, 2019
- 5 min read

“THOSE Who Think They Have No Time For Bodily Exercise Will Sooner Or Later Have To Find Time For Illness.” — Edward Stanley
Kalusugan at tibay ng katawan ang unang-unang pinahahalagahan sa buhay ng 58-anyos na si Marlene Doneza ng Paharang East, Batangas City. Kaya naman sa edad niya ngayon ay bumibilang na sa may 35 mahigit nang ultramarathon ang kanyang tinapos kasabay ng pagkolekta ng mahigit 10 podium finish sa 50-59 age category at nakikipagtagisan pa siya sa duathlon.
Basahin po natin ang kuwento ng isang hog raiser at manager ng Eternal Garden ng Batangas sa BULGAR SPORTS na magbibigay inspirasyon sa kaedad niyang nais na manatiling malayo sa mga sakit at malakas ang pangangatawan dahil na rin sa hilig niya sa sports:
1. Sa edad po ninyo ngayon, naabot n’yo na ang pangarap na tumapos ng ultra running. Ano po ang next plan ninyo? “Gusto kong ipagpatuloy hangga’t kaya ko ang aking hilig sa pagtakbo at sumali pa sa mga karera.”
2. Ikuwento n’yo nga po kung anong edad kayo nagsimulang tumakbo at bakit po ninyo naisipan na ito ang best exercise for you? “Late 50' s na ako nag-start mag ultra running, kasi 14 years akong nag-service sa mga bata sa school at kapag maluwag na ang aking schedule, du’n ko inilalaan ang oras sa sports na kinahihiligan ko. Una bowling, last bowling tournament namin ako ang highest single, ako ang team captain at kami ang nag-champion.
Next biking, very active ako noon sa pagbibisikleta, basta free wala kaming pinalalampas na karera. Lahat kami sa family active sa sports. At lagi rin kaming podium sa karera. Nag-duathlon ako, bike and run. Dito ko na-appreciate ang running, masarap palang tumakbo.”
3. Ano po ang inyong nararamdaman habang tumatakbo? May motivation po ba kayo para ipursige ang running as you get older? “Bago mag-start ang race lahat ay masaya, maraming kuwentuhan parang laging reunion. Dito mo ulit makikita ang mga naging kasabayan mo sa pagtakbo. Kapag nasa half na ng run, simula na ang pakiramdam na para akong malalaspag, napapagod, kahit kailan di ko naisip na sumuko at tumigil. Sige pa rin ako at after the race, grabe, para akong nasa heaven, ang sarap ng feelings.
Proud ako sa sarili ko, nawawala lahat ng pagod at puyat ko at iisiping kailan kaya ang susunod kong race? Bago ako sumabak sa race, talagang nagte-training muna ako para sulit, kaya halos lahat ng sinalihan ko may place ako. Hangga’t kaya ko mag-ra-run ako nang mag-ra-run para iwas sakit. Mahal ang magpa-doktor, mahal ang may maintenance na gamot. Sipag lang ang katapat nito. At dahil sa running, perfect ang general check-up ko yearly.”
4. Mayroon pa ba kayong lugar na nais takbuhan o sa ibang bansa na nais ninyong marating? “Dream kong mag-run sa iba’t ibang bansa para maka-experience at magkaroon ng mga kaibigan na ibang lahi. pero wala pa akong budget para rito (lol). “
5. Kung babalik po kayo sa kabataan saan po ninyo pangarap na unang makatakbo, sa kapatagan, bundok, siyudad? Ilang kilometro po? “Mas gusto kong mag-run sa kapatagan at kabundukan. Takot akong mag-run sa siyudad. Dahil sa maraming sasakyan at driver na ang alam lang ay humarurot ng sasakyan. Sa kabundukan, may magandang tanawin at nakakawala ng pagod at siyempre sariwang hangin ang malalanghap. Naku, sa siyudad kapag naglinis ka ng ilong, grabe karumi at maitim! Mas madali pa akong mapagod at hirap huminga kapag sa siyudad tumatakbo!”
6. Ano po ang maipapayo ninyo sa older runners na ang iba sa ngayon ay ‘di na maitatangging bumabagal at marami nang nananakit sa katawan kaya limitado na ang abilidad na tumakbo? “Mga ka-runner ko, ipagpatuloy n’yo lang ang pagtakbo pero kung may limitasyon na, kung ‘di na kaya tumakbo, mag-walk kayo kasama ang stretching. Habang tumatanda tayo, wag tayong titigil mag-exercise kailangan ng katawan natin ito para ‘di na madagdagan ang maintenance natin. Sumangguni muna tayo sa doktor para maituro ang tamang exercise para sa atin.”
7. Dumating ka po ba sa punto na gusto nang tumigil at magpahinga na lang? O may sumagi sa isip ninyo na may pagkakamali kayong nagawa at hindi na mauulit? “Kahit kailan ni sa panaginip hindi sumagi sa isip ko, kahit sobra na ang pagod at puyat, twice na rin akong umihi ng dugo sa race pero ‘di sumuko at tumigil sa race. Fighter ako e.”
8. Bakit ultra running ang inyong pinupursige sa edad ninyong iyan? “Sa ultra running walang akong bibilhing piyesa para sa bike, wala akong babayarang pinboy, mas marami kang magiging kaibigan. “
9. What do you love most about ultra running? Ilang kilometro na po ang pinakamahaba ninyong natakbo? “Iyong 117-Km ABDUM noong Nob. 2016. Sa Camaraderie, Health and Fitness para sa sarili ko at sa pamilya ko.”
10. Ano pong klase ng training technique ang inyong ginagawa to keep longer running? At ano po ang no. 1 tip ninyo sa mga senior citizen na inspirado rin kayong tularan? “Kapag may race ako, busy ako pero ginagawan ko ito ng paraan para makapag-praktis. Nagigising ako ng 3 a.m para mag-run. Kasi pag gusto may paraan at age doesn’t matter sa larangan ng takbo. Kapag masipag kang mag-praktis, determinado ka talaga, matatalo mo kahit mas bata pa sa iyo. True experience po ito.”
11. Mayroon po bang mga pagsubok sa buhay ninyo ang pinagdaanan na hindi mo makalilimutan? Paano n’yo nalampasan ang pagsubok na ito? “Marami na ring pagsubok na dumaan sa buhay ko. Prayers lang ang katapat ng lahat ng problema at pagsubok sa buhay. “
12. Anong aral ninyo sa buhay ang maibabahagi mo sa mga mambabasa ng BULGAR? “Gaya ng takbo, wag susuko. Dapat maging matatag. Lakasan ang tiwala kay God. Huwag mandaraya, manglalamang sa kapwa. Gumawa ng kabutihan. Asahan mong pagpapalain ka at ang pamilya mo.”
Sa kabila nang 5 na ang anak ni Marlene, may kabuuang 30 ultramarathon na ang tinakbo mula pa noong 2010. Pinakamahaba niyang natakbo ang 117-km sa ABDUM noong Nob. 2015 at pinaka-nasubok ang kanyang tibay sa takbuhan sa 24 na oras na walang tigil na pagtakbo sa Crazy 24-hrs Endurance run at nag-2nd runner up pa siya noong Dis. 2016. Nagkampeon noong 1st Taal Volcano 360 nang tahakin niya ang 100-km run na inikot ng bulkan noong Mayo 2015.
Ilan din sa kanyang long distance races na tumapos sa podium ay ang Paatibayan 24hrs Endurance (3rd runner up); Crazy 12 Hrs Endurance (2nd runner up 2016). Grand Slam awardee rin siya sa Tagaytay City 50-km (2016), Bompan 100-km (1st runner up-2017). Ang pinakaaabangang Run with the Masters 42k (1st place) ay nasundan ng championship at naging female oldest runner noong 2010).
Sa Mayon 360 80-km na tinahak ay nag-8th place at oldest female runner (Mayo 2017), ang mapanghamong ruta na Batangas-to-Quezon 66-km (2nd runner up-Feb. 2017), 1st Puerto Galera, 50-km (4th place (Nob. 2014) at 1st Cavite 60-km (1st runner up, June 2015).
Sa City of 7 Lakes 10 hrs Endurance (3rd place-2018); City of 7 Lakers 12 hrs Endurance (2nd place-2017). Ang mala-bitukang manok na ruta at walang katapusang uphills na Tailor Fit 75-km (3rd runner up-2019). Tumapos din siya ng dalawang 42.195-km sa Condura na walang puknat ang akyat-baba sa mga matataas na flyovers sa Metro Manila, maging sa Milo 42.195-km (2015-2016) at sa 21-km ng Milo 2014 (9th place), 21-km 2017 (10th place) sa Batangas.
Tinahak din niya ang 50-km Sungay marathon (2014), ang akyatang Luneta to Tagaytay -60-km (Peb. 2015), Cavite to Laguna 50-km (Mayo 2016), Tagaytay-to-Nasugbu 50-km (Abril 2017), ang makasabog-bagang Laguna to Quezon 50-km (Okt. 2016) at Katutubong Manyan ng 6 hrs +5km (2018).




Comments