top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

‘Wag pasaway sa Simbang Gabi

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 15, 2019
1 min read

Magsisimula na ang Simbang Gabi, bukas, Disyembre 16 na magtatapos sa Disyembre 24 at tiyak na dagsa pa rin ang mga magsisimba lalo na ang mga kabataan.

Kaugnay nito, taun-taon nang paalala na kumilos nang naaayon — maging disiplinado.

Iwasan ang pag-iingay at pakikipagkuwentuhan dahil hindi ito party.

Huwag makipagrambulan dahil nagpapasalamat tayo sa biyaya ng buhay at hindi para magpatayan.

Iwasang gumamit ng gadgets, tigilan ang kaka-selfie, okay lang siguro pero pagtapos ng misa. Hindi rin lusot ang mga ‘nagsisimbang-tabi’ r’yan, hindi ito oras para sa ganyang lambingan at higit sa lahat, ang mga patulug-tulog na nakaaabala ang hilik at paghilig sa katabi.

Sa madaling salita, respetuhin natin ang Simbang Gabi. Kung hindi kayang ituon ang buong sarili sa misa, matulog na lang sa bahay at ‘wag nang magpasaway. At kung ayaw talagang manahimik, siguro ay puwede nang bigyan ng mabigat-bigat na leksiyon. ‘Yung tipong hindi nila malilimutan ang kapaskuhan ng 2019.

Samantala, umaasa tayong nagsimula na ring magtalaga ng mga awtoridad sa mga Simbahan at iba pang matataong lugar. Kung kailangang palakasin ang police visibility ay mas mainam.

Tayo namang publiko, dapat din tayong makiisa, ‘wag mainis kung sumasailalim sa inspeksiyon dahil para rin ito sa ating kaligtasan.

Hinihingi rin ang ating pagiging mapagmatiyag sa paligid. Kung may napapansing kakaiba at may banta, agad itong ipagbigay-alam sa kapulisan.

Nawa ay maipagdiwang natin ang buong kapaskuhan nang matiwasay at ligtas. Huwag nating hayaang makaepal ang masasamang elemento.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page