top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pramis ng DTI: Noche Buena items, walang taas-presyo

  • Ryan B. Sison
  • Dec 14, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Good news para sa mga mamimili!

Marami nang dumidiskarte para makapaghanda kahit kaunti sa Noche Buena, ‘yung tipong tipid-tipid muna sa ilang sangkap ng mga pagkaing ihahanda para magkasya ang budget at ‘yung iba naman, hindi na lang muna maghahanda dahil kapos at may Media Noche pa naman.

Kaugnay nito, hindi na dapat mabahala ang mga konsiyumer dahil tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi na gagalaw ang presyo ng Noche Buena items ngayong Holiday Season.

Nag-ikot ang mga opisyal ng DTI sa ilang pamilihan sa Quezon City para tingnan kung nasusunod ang SRP ng Noche Buena items. Ani DTI Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo, mapapako na ang presyo ng Noche Buena products hanggang sa katapusan ng Disyembre batay sa SRP bulletin na inilabas noong ika-30 ng Oktubre.

Gayundin, sa katapusan ng Enero o Pebrero pa papayagan ang pagtataas ng presyo ng ilang produkto.

Bagama’t, may ilang supermarkets na may mas mababa ng P1 hanggang P10 sa SRP ang bentahan ng ilang produkto, may ilang negosyante na nagbebenta ng mas mataas sa SRP, lalo na ang mga nasa labas ng supermarket na hindi nababantayan ng DTI.

Dahil dito, pinapayuhan ng ahensiya ang mga konsiyumer na sa supermarket mamili upang siguradong makatipid.

Panawagan natin, sana, mas maraming pamilihan ang mabantayan ng ahensiya para mas maraming sumunod sa itinakdang SRP.

‘Yung iba kasi ay nananamantala, kaya ang ending, ‘yung mga kababayan nating gustong maghanda kahit kaunti, hindi na lang naghahanda. Hays!

Paalala sa lahat, hindi natin kailangang maghanda nang bongga kaya kung hindi talaga kaya, tipid-tipid o simple na lang muna.

Tandaan, hindi dami ng handa sa hapag-kainan ang basehan para maging masaya ang Pasko ng pamilya, ang mahalaga ay magkakasama tayo sa mahalagang araw na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page