Ginto sa SEAG, duduplikahin ni Hallasgo sa MILO Marathon Finals

Photo: Espn5
Masasabi na ang bakbakan sa Women’s Marathon sa nakaraang 30th Southeast Asian Games ay isang magandang patikim para sa parating na MILO Marathon National Finals ngayong Enero 12 sa Tarlac City. Sa ngayon, ang planong ika-pitong sunod na korona para kay MILO Queen Mary Joy Tabal ay nasa peligro dahil may umusbong na bagong hahamon.
Nagdiwang ang mga manonood sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac noong makita na taga-Pilipinas ang unang pumasok para sa huling ikot. Subalit hindi ang mabigat na paborito na si Tabal ang pumasok kundi si Christine Hallasgo, ang kampeon ng MILO Marathon Metro Manila qualifier noong Hulyo na siya rin naging susi para masama siya sa pambansang koponan.
Malaking sakripisyo ang ginawa ni Hallasgo kahit bago siya nagkampeon sa MILO at sa SEA Games. Kinailangan niyang humiwalay sa kanyang anak at asawa sa Bukidnon upang mag-ensayo sa Maynila kasama ang iba pang pambansang atleta.
Ipinakita naman ni Tabal ang kanyang determinasyon na hindi basta isusuko ang ginto na una niyang pinanalo dalawang taon ang nakaraan sa Kuala Lumpur. Halos mag-alas-9:00 na ng umaga at mainit na ang araw pero tiniis niya ang hirap bago biglang nawalan ng malay matapos tumawid sa finish line.
Nag-gunstart ang mga mananakbo ng 6:00 ng umaga sa New Clark City. Isa itong malaking pagkakaiba sa MILO Marathon at iba pang fun run na madaling araw nagsisimula at karaniwan ay tapos na bago mag-alas-6:00 ng umaga.
Tila nahawa ang buong koponan ng Athletics sa pambungad na ginto at pilak at sinundan pa ito ng 10 pang medalyang ginto. Talagang pinakita nila na sigaw ng 30th SEA Games na “We Win As One!”
Inaasahan na pangungunahan nina Hallasgo, Tabal at mga naglaro sa kalalakihan na sina MILO King Jerald Zabala at Anthony Nerza ang National Finals. Makikita rin kung sapat ang isang buwang pahinga o magbubukas ito ng pinto para sa isa pang bagong kampeon sa pinakamatanda at pinakamalaking takbuhan sa Pilipinas.





Comments