Bilang ng mahirap sa 2022, bababa na, bola lang!
PINAGSASAMANTALAHAN NA ANG TAUMBAYAN; MANILA WATER AT MAYNILAD, NANAKOT PA — Nagbanta ang Manila Water at Maynilad na posible raw silang magtaas-singil dahil sa pagkansela ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa kanilang kontrata sa gobyerno kung saan sa halip na hanggang 2037 ay hanggang 2022 na lang sila maaaring mag-supply ng tubig sa Metro Manila, Rizal at Cavite.
Aba, sila na itong sobrang “panggagatas” ang ginagawa sa publiko, eh, nanakot pa!
Naku, dahil sa banta na ‘yan ng Manila Water at Maynilad, malamang, mura na naman ang kanilang aabutin kay P-Duterte, abangan!
◘◘◘
NEDA CHIEF PERNIA, BOLERO — Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Ernesto Pernia, pagkatapos daw ng termino ni P-Duterte sa 2022 ay 11% pamilyang Pinoy na lang ang mahirap.
Paano mangyayari ang sinabi ni Pernia, eh, sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS), mahigit 10 milyon ang jobless at maaaring madagdagan pa dahil maraming magsasaka ang hindi na makapagtanim ng palay dahil sa Rice Tariffication Law (RTL) at ang mga mangingisda naman ay pinagbabawalan ng China na mangisda sa West Philippine Sea (WPS)?
Sa totoo lang, bolero rin talaga itong si Pernia, buwisit!
◘◘◘
MGA OPISYAL NG PSA ANG DAPAT MINUMURA NI P-DUTERTE — Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Asst. Sec. Rosalinda Bautista, sapat na raw ang P10,727 monthly income para sa pamilya na may limang miyembro.
Ganu’n? Pambihira, alam ba niya na umabot na sa P300 per kilo ang presyo ng galunggong? Imagine, pang-ulam lang ‘yun sa isa o dalawang araw, depende sa konsumo ng pamilya.
Idagdag mo pa ang buwanang pambayad sa bill ng tubig at kuryente, pambaon at allowance sa pamasahe ng mga estudyante at nagtatrabaho hindi pa kasama ang pambili ng bigas, sabon at iba pang pangunahing pangangailangan na kung susumahin ang lahat ng gastusing ito, sigurado ba siyang kasya talaga ang P10,727?
Kung ganyan ang paniniwala ni Bautista at iba pang opisyal ng PSA, sila ang dapat minumura ni P-Duterte, boom!
◘◘◘
KAPAG DRUG LORD, BUHAY PERO KAPAG TAGA-ISKUWATER, PATAY AGAD SA DRUG WAR — Isang Chinese drug lord na si Hong Liangyi ang inaresto ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Buhay siya at nakakulong na ngayon.
Samantala, nitong nakalipas na Dec. 9, 2019, nag-viral sa social media na isang taga-iskuwater ang pinagbabaril at napatay dahil nanlalaban daw at ang bangkay ay binuhat pa na parang baboy ng mga parak nang isakay sa police patrol car.
‘Yan ang malungkot na katotohanan sa drug war, kapag mayamang drug lord, buhay, pero kapag taga-iskuwater, patay agad. Hu-hu-hu!





Comments