top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

2020 National Budget, mabilis natapos, pirma na lang ni P-Digong

Sonny Angara
Dec 14, 2019
2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Nang maitalaga tayo bilang chairman ng Senate Committee on Finance ngayong 18th Congress, ipinangako nating hindi na mauulit ang nangyari sa National Budget noong isang taon — ang pagiging atrasado sa pag-apruba at ratipikasyon dahil sa mga hindi pagkakaunawaan sa Kongreso.

At natupad ang pangakong ito noong Miyerkules (Disyembre 11) matapos ratipikahan ng dalawang sangay ng Kongreso sa tamang panahon ang 2020 National Budget at nakatakdang lagdaan at pagtibayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalong madaling panahon.

Nang hindi kasi naipasa sa tamang panahon ang 2019 National Budget, noong nakaraang taon, nalagay sa alanganin ang ating ekonomiya at nabimbin ang napakaraming proyekto sa mga kanayunan. Ang mga bagay na ‘yan ang iniwasan nating mangyari dahil hindi ito makatutulong sa ating pag-unlad.

At positibo tayong bago matapos ang taon o isang linggo matapos ratipikahan ng bicameral committee ang 2020 National Budget, agad na itong aaprubahan ni Pangulong Duterte.

Makaaasa tayong sa susunod na taon, hindi na magkakaroon ng anumang sigalot sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa ang gobyerno dahil naipasa sa tamang oras ang Pambansang Budget.

◘◘◘

Nagtapos noong Miyerkules, ika-11 ng Disyembre ang 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa kaya ipinaaabot natin ang ating taos-pusong pagbati sa mga bumuo, nagpagod at nagsikap na maging matagumpay ang pagdaraos nito.

Sa pagtatapos ng palaro, itinanghal na grand champion ang Pilipinas na nakasungkit ng 149 gintong medalya, 118 silver at 120 bronze na may kabuuang 387 medals.

Pumangalawa sa atin sa overall standings ang Vietnam na may 98 golds at pumangatlo naman ang Thailand na nakapanalo ng 92 ginto.

At nito ring nakaraang linggo sa Senado, inihain natin ang dalawang resolusyon na kumikilala sa tagumpay ng arnis na isa rin sa mga palakasang humakot ng ginto sa katatapos na 30th SEA Games.

Una ay para parangalan ang Philippine National Arnis Team (PNAT) na nakasungkit ng 14 gold medals, apat na silver at dalawang bronze. Pangalawa, ang pagkilala sa napakalaking kontribusyon sa liderato ng PNAT ng kasamahan nating senador na si Senator Migz Zubiri.

Sa mga hindi nakaaalam, ang PNAT ay nagsanay sa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) na pinamumunuan ni Senator Zubiri.

Sa panalong ito ng koponan, pinatunayan lamang nilang hindi kailanman maluluma ang arnis sa bansa — katunayan, nananatili itong buhay at patuloy na magdadala ng karangalan sa mga Pinoy na dalubhasa sa palakasang ito.

At magandang balita, dahil sa ilalim ng ating iniakdang batas, ang National Athletes and Coaches Incentive Act, hindi lamang ang ating mga atleta ang tatanggap ng mga kaukulang insentibo kundi maging ang kani-kanilang coach.

Muli, ipinaaabot natin ang ating taos-pusong pagbati sa lahat ng atletang Pinoy, sa lahat ng kanilang mga coach dahil sa ipinamalas nilang galing at pagsisikap sa katatapos na 30th SEA Games.

Mabuhay tayong lahat, mabuhay ang mga manlalarong Pinoy, mabuhay ang Pilipinas!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page