Mga baboy na Pinoy, mas malaking problema kesa sa basura

Kamakailan, idineklara ni DENR Chief Roy Cimatu ang krisis sa basura sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila.
Hirit naman ni DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units (LGU) Concerns Benny Antiporda, hindi kakayanin ng gobyerno kung solo nitong reresolbahin ang problema.
Kaugnay nito, nananawagan si Antiporda sa publiko at lahat ng stakeholders upang sama-samang lutasin ang problema sa basura.
Gayundin, dapat umanong tulungan ng pamahalaan na maiwasan ang paglala ng problema sa basura sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tamang waste segregation at disposal.
Samantala, tila hindi na sapat ang clean-up drive dahil ang nangyayari, hindi nagtatagal ang bagong linis na lugar dahil pa rin sa kawalan ng disiplina ng ilang residente.
Minsan naman, kapag nabiktima ng baha, saka lang magtatanda o magtatapon nang tama.
Bagong buhay kuno, tapos paglipas ng ilang linggo o buwan, balik na naman sa dati. Tsk!
Kung tutuusin, tayo na yata ang problema at hindi ang basura. ‘Yung tipong todo-isip ng paraan at todo-sikap ang gobyerno para masolusyunan ito, pero wala namang ginagawa ang mamamayan para makatulong.
‘Yung iba nga, sinasabi pa na wala nang pag-asang luminis ang ‘Pinas kaya ginagawa na lang katatawanan ang mga aksiyon ng kinauukulan.
Kung dito pa lang ay makikitang hindi na nagseseryoso ang ilan, baka nga wala nang pag-asa ang bansa.
Sa halip na maging nega, bakit hindi natin suportahan ang mga grupo na gumagawa ng hakbang para makatulong?
‘Yung simpleng pagre-recycle ng mga sachet ng 3-in-1 na kape na puwede nang maging bag o coin purse, ‘yung iba naman, ginagawang eco bricks ‘yung mga ginupit na sachet at inilalagay sa plastic bottle.
Kung wala pang solid na solusyon ngayon, bakit hindi muna tayo magtulungan? Tama na ang pangungutya dahil kung tutuusin, hindi lang naman tayo ang makikinabang dito kundi pati ang mga susunod na henerasyon.
Hindi ba, ang sarap sa pakiramdam na maranasan din nilang maglaro sa labas ng bahay nang walang nalalanghap na amoy ng tambak na basura?
‘Yung hindi n’yo poproblemahin ang baha kapag bumagyo at hindi alintana ang mga sakit na nakukuha sa pagbaha.
Lahat ng ito ay kaya nating maibalik, kaya sana, huwag tayong magdalawang-isip na gumawa ng hakbang para makatulong sa gobyerno dahil kayang-kaya natin itong simulan kahit sa maliliit na bagay.
Ang krisis sa basura ay hindi lang laban ng gobyerno kundi laban nating lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments