Alternative Learning System, palakasin para sure na mas dumami ang gradweyt
- Kuya Win Gatchalian
- Dec 12, 2019
- 3 min read

Anuman ang estado sa buhay, may karamdaman man, kapus-palad o may mga inaalagaang anak ay mayroon pa ring karapatang matuto at maging matagumpay sa buhay. Determinasyon at pagpupursige lamang, kaakibat ang sama-samang pagkakaisa ng gobyerno at mamamayang Pinoy ang sandatang maaari nating panghawakan tungo sa mahusay na edukasyon.
Kaya ating itinutulak ang pagpapalaganap at pagpapalawak ng Alternative Learning System (ALS), isang pamamaraan ng karunungan na itinatag ng Department of Education (DepEd) na kaiba sa pangkaraniwang pormal na sistema ng edukasyon.
Tulad ng tinalakay kamakailan ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa pampublikong pagdinig, napakahalaga na maging bukas o accessible ang programa sa lahat — lalo na sa 24 milyong Pinoy mula sa edad 15 pataas na hindi nakapagtapos ng elementary o high school.
Tumaas man ang bilang ng ALS enrollees nitong mga nagdaang taon, malaking bilang pa rin ang potensiyal na mga mag-aaral na hindi pa nakapag-e-enroll sa nasabing programa.
Base sa datos ng DepEd, higit dalawang milyon o 2,025,167 ang nakapag-enroll sa ALS noong 2016 hanggang 2018, ngunit, 1,329,667 lamang ang nakatapos ng pag-aaral sa naturang programa o isa sa apat na mag-aaral ang hindi nakapagtapos. Bukod pa rito, 10 milyon sa kanila o isa sa 10 estudyante ay hindi marunong magbasa at magsulat.
Ito ang dahilan kung bakit tayo seryoso at lubos na tinututukan ang pagsasabatas ng inihain nating Senate Bill No. 740 o The Alternative Learning System Act. Layon nitong magbigay ng abot-kamay na pagkatuto at kasanayan sa edukasyon sa mga bata, out-of-school youth, nakatatanda, persons with disabilities, indigenous people, children in conflict with the law (CICL), persons deprived of liberty at iba pang mga sektor ng lipunan sa bawat barangay, kabilang na ang mga malalayo at liblib na lugar sa bansa.
Nakadisenyo ang kurikulum ng ALS upang tulungan ang mga estudyante nito na makamit ang kaalaman, kasanayan at kakayahan tulad ng kung ano ang itinuturo at natututunan sa pormal na sistema ng edukasyon sa ilalim ng K to 12 Program.
Sa nasabing pagdinig noong Nobyembre 27, sumasang-ayon din si DepEd Assistant Secretary at ALS Task Force Head G.H. S. Ambat na kailangan nang maiangat at mapaunlad ang ALS ngayon.
Upang masiguro ang kalidad sa pagtuturo ng ALS, nakapaloob sa ating panukala na bibigyan ng mandato ang DepEd na magsagawa ng mga training program para sa mga guro ng ALS. Palalakasin din ang ALS Mobile Teacher Program upang matutukan nang wasto ang mga mag-aaral na mayroong espesyal na pangangailangan.
Pangungunahan naman ng mga mobile teacher na nakatira sa mga malalayong barangay ang community-based training para sa mga out-of-school youth at nakatatatandang hindi pa rin nakapagtapos ng basic education.
May mga pagsubok man sa programang ito pero ang tanong, ano ang gagawin natin? Paano natin matitiyak na nakukuha ng mga nag-aaral ang impormasyon, karunungan sa pagbabasa, pagsusulat, komunikasyon at maging ang diskarte sa buhay at galing sa paghahanapbuhay?
Dapat lamang na paghusayin ang serbisyo ng K to 12 upang tuluyang makamit ang de-kalidad na edukasyon ngayon hanggang sa mga susunod pang mga taon.
Hangad natin na itama ang lahat ng mga pagkakamali at pagkukulang sa ALS. Naniniwala tayo na malaki ang maiiwang marka ng programang ito sa buhay ng mga makikinabang nito. Huwag natin itong sukuan. Huwag tayong magsayang ng oras dahil mahalaga ang kinabukasan ng bawat isa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments