top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Paninira sa SEAG, wa’ epek, winner pa rin!

Bong Revilla
Dec 11, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Ngayon na gaganapin ang closing ceremony ng 30th Southeast Asian Games at sa kabuuan ay masasabi nating matagumpay ito, hindi dahil sa tayo ang overall champion kundi dahil nanaig ang tunay na layunin nito.

Walang ibang pakay ang pagiging host natin ngayong 2019 SEAG kundi ang pagtibayin ang pakikipagkaibigan natin sa mga bansang lumahok at maipakita natin ang tamang pakikitungo bilang Pinoy.

Nakakatuwa dahil hindi nagtagumpay ang mga nasa likod ng paninira laban sa 2019 SEAG dahil nanaig ang kagandahan at kasiglahan ng buong okasyon sa kabila ng katotohanang may mga taong ayaw makitang tagumpay ito.

Sa kabila nito ay puring-puri ni Olympic Council of Asia (OCA) Vice-President Wei Jizhong ang ating gobyerno sa maayos at magaling na pagho-host ng 2019 SEAG sa ating bansa.

Ayon kay Jizhong, kayang-kaya umano ng Pilipinas na magsagawa ng mas malaking sporting event matapos niyang makita ng personal kung paano isinagawa ang maayos at sistematikong pag-oorganisa ng 2019 SEAG.

Maging ang mga atletang dayuhan at sports officials ay patuloy ang pagbibigay ng papuri sa ating bansa dahil sa mahusay nating pagho-host.

Todo-todo rin ang pasasalamat ng Indonesian sports officials sa ating bansa lalo na kay Pinoy surfer Roger Casugay matapos nitong iligtas ang katunggaling Indonesian surfer na si Arip Nhuridayat sa gitna ng kanilang labanan sa Monaliza Point sa La Union.

Matatandaang nangunguna si Casugay sa kanilang laban, ngunit, isinantabi nito ang gintong medalya dahil binalikan niya si Arip na nadisgrasya at minabuti niyang dalhin sa pampang nang ligtas.

Buong-puso rin ang pasasalamat ng koponan ng Timor Leste sa mga Pinoy na todo-suporta sa kanilang mga laban lalo nang makatangay sila ng kaisa-isang medalya at higit sa lahat ay ipinagpapasalamat nila ang libre nilang pagkakatira sa Philippine Sports Athlete’s dormitory sa Pasig City.

World-class sports facility umano ang preparasyon ng Pilipinas, ayon kay Thailand Lawn Bowl Coach Daniel John Simmons, at ayon naman kay Malaysian official Abdul Kader, pinakamaganda umanong venue ng sepak tarraw ang Subic Gymnasium sa kasaysayan ng SEAG.

Hangang-hanga rin si Benjamin Assarasakom ng Thailand kung paano natin tratuhin ang sports at dapat umanong gawing pamantayan ng mga susunod na bansang magiging host ng SEAG.

At napakarami pang mga papuri ng iba’t ibang kinatawan mula sa iba’t ibang bansa at hindi nila alintana kung ano ang kanilang lagay sa ginanap na palaro dahil inagaw ang kanilang atensiyon ng kagandahan ng 30th SEAG.

Kahanga-hanga rin ang ipinamalas na husay ng ating mga atleta kung saan habang isinusulat natin ang pitak na ito ay 138 golds, 102 silvers at 107 bronzes o umabot na sa 347 medalya ang nahakot nila na inaasahang madaragdagan pa.

At dahil sa napakaraming papuri ay sinabi ni OCA Vice-President Jizhong na handa na umano tayo para sa mas malaking sports event kaya nga hinikayat niya tayo na lumahok sa bidding para sa 2030 SEAG.

Ngayong tameme ang mga kontrabida sa 2019 SEAG, napatunayan na hindi talaga nananaig ang kasamaan laban sa kabutihan kahit kailan.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page