Nagduda sa seaman BF dahil sa paninira ng mga kapitbahay, mapapangasawa pa rin
- Maestro Honorio Ong
- Dec 11, 2019
- 2 min read
Maestro Honorio Ong
Katanungan
May boyfriend ako at siya ay nasa barko, pero ang balita ko ay marami siyang babae. Kuwentu-kuwento lang naman ‘yun sa aming lugar at kapag nandito siya ay mabait at wala akong napapansin na may iba pa siyang girlfriend.
Nasa barko siya ulit at regular ang aming communication. Sabi niya, kaunting tiis na lang ay bababa na siya sa April at aayusin na namin ang aming kasal.
Siya na ba ang mapapangasawa ko at totoo kaya na marami siyang babae o sinisiraan lang siya ng mga tao dahil nakikita nilang masaya kami kapag nandito siya?
Kasagutan
Tama ka, Lyn, dahil ikaw ang kasintahan ng boyfriend mo, ikaw ang unang makararamdam kung bukod sa iyo ay may iba pa siyang babae. At dahil para sa iyo ay tapat siya, wala kang dapat ipag-alala dahil maaaring marami lang naiinggit sa inyong masayang relasyon kaya naman tampulan kayo ng intriga sa inyong lugar.
Gayunman, anuman ang mangyari, ang kaisa-isa, maganda, makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang matibay na datos na dapat mo pa ring panghawakan kung saan dahil iisa lang ang malinaw at mahabang Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, napakalaki ng posibilidad na kayo na nga ng seaman boyfriend mo ang magkakatuluyan na madali namang kinumpirma ng maayos, hindi napatid at nakatuntong na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa Bundok ng Jupiter (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda at pangako ng panghabambuhay at maligayang pag-aasawa.
Mga Dapat Gawin
Minsan, sadyang marami talagang nakikisawsaw sa relasyon, lalo na kung sikat o kilala sa lugar ang magkasintahan. Subalit, anuman ang mangyari, mas mainam na huwag mo nang pansinin ang mga naninira sa inyong relasyon ng boyfriend mo dahil hindi makaaapekto ang mga sinasabi ng iba sa mga kapalarang nakatakda.
Ayon sa iyong mga datos, Lyn, sa 2020 ay matutupad ang pangako sa iyo ng boyfriend mo. Pagbaba niya sa barko, aayusin na ninyo ang inyong pagpapakasal upang kapag napetsahan at naihanda na ang lahat, tiyak ang magaganap sa 2020 sa edad mong 25 pataas at 28 naman ang boyfriend mo, may masayang pagpapakasal na itatala sa iyong karanasan na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments