top of page

Anak ni Samboy Lim, wagi ng ginto sa karatedo

  • Gerard Arce / A. Servinio
  • Dec 10, 2019
  • 2 min read

Photo: Espn5

Like father, like daughter. Napuno ng drama at emosyon ang pagtatagumpay ni Jamie Lim ng Pilipinas sa Karatedo Women’s Individual Kumite Over 61 kilos sa 30th Southeast Asian Games sa World Trade Center sa Pasay City. Sa harap ng pinakamarami at pinakamaingay na manonood sa tatlong araw ng torneo tinalo ni Lim si Zefanya Ceyco ng Indonesia sa puntos, 2-1, para sa ikalawang ginto ng bansa.

Unang nakapuntos ang 22-anyos na si Lim pero nakatabla ang Indonesian. Naitala niya ang panalong puntos nang tamaan niya ng malakas na suntok si Ceyco sa mukha sabay sigaw at paubos na rin ang nakatakdang dalawang minuto.

Hindi napigil ni Lim ang luha at niyakap siya ng kanyang inang si Atty. Darlene Berberabe habang kapanayam ng BULGAR at media pagkatapos ng laban. “Noong Hulyo lang ako nagsimula maghanda kasi tumigil ako maglaro ng apat na taon at magtapos ng pag-aaral,” wika na Lim, na pinantay ang kanyang amang si Samboy “The Skywalker Lim na nagwagi rin ng ginto sa Men’s Basketball noong 1985 FIBA Asia Championship sa Bangkok, Thailand.

Bago ito makatuntong sa championship round ay nagawa munang talunin ni Lim sina Aurdrey Japyus ng Malaysia, 7-3, sa q’finals habang dinomina niya si Thi Thao Bui ng Vietnam, 5-1, sa semis. Ito ang ikalawang gold medal ng Karatedo matapos magwagi si Junna Tsukii ng parehong medalya sa women’s under-50kgs kumite.

Agad inalay ni Lim ang ginto sa kanyang ina at ama, “Para sa magulang ko ito, super happy ako, napakalaki nito, napaka-special,” dagdag ni Lim na nagtapos ng BS Mathematics sa UP Summa Cum Laude sa taong ito at ito ang naging hudyat niya para bumalik sa Karatedo. May isa ring pilak mula kay Norman Montalvo sa Men’s Individual Kumite U-55 kilos at anim na tanso. Hindi naman pinalad si Norman Marz Montalvo sa men’s under-55kgs kumite championship match ng yumuko ito kay Prem Kumar Selvam ng Malaysia, 1-6, upang makuntento sa silver medal.

Bago ito makatuntong sa final round ay nagawa muna nitong talunin simula elimination rounds si Van Hai Nguyen ng Vietnam, 3-0, John Maung ng Myanmar, 3-0, habang mabigat ang naging laban nito kay Steves Yuthana Tep ng Cambodia sa semifianls na nagtapos sa iskor na 9-5 pabor sa Pinoy karateka.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page