top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Walang sinayang na oras sa 1 taong paglaya

Bong Revilla
Dec 9, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Napakabilis ng panahon, Disyembre 7, noong nakaraang taon lamang nang mapawalansala ang inyong lingkod ng Sandiganbayan at hindi namin makakalimutan ang senaryo na lumalabas na ako ng Custodial Center ng Camp Crame.

Ito ay dahil sa kagagawan ng aming mga kalaban sa politika na dahil nasa poder ay nagawa nila akong maipakulong sa loob ng apat na taon at anim na buwan dahil sa imbentong kaso na kanilang isinampa laban sa akin.

Marami ang nagsabing magtago kami sa ibang bansa ngunit, mas pinili naming sumuko at harapin ang nasabing kaso dahil naniniwala kami sa batas, kaya tiniis namin ang napakahabang proseso para patunayang wala akong kasalanan.

Kasabay nito ay walang humpay na banat ng mga trolls sa social media na pinatatakbo mismo ng aming mga kalaban para magmukha talaga kaming kontrabida ngunit, lumabas sa paglilitis na wala kaming kasalanan kaya agad din akong pinalaya.

Kaya noong nakaraang Sabado ng gabi, bukod sa ginanap naming Christmas Party ay ipinagdiwang namin ang isang taong anibersaryo ng aking paglaya na dinaluhan ng staff at malalapit na kaibigan.

Naaalala naming kahit kulang na kulang na sa panahon ay agad kaming sumabak sa kampanya at doon namin naramdaman na marami pa ring nagmamahal at hindi kami binigo na makabalik sa Senado.

Kaya mula nang unang araw na maluklok kami bilang senador ay hindi kami tumigil sa pagtatrabaho bilang pagtanaw ng utang na loob sa ating mga kababayan na buong-pusong naniniwala sa amin.

Buong kababaang-loob naming inaanunsiyo na sa kasalukuyan ay mahigit 158 panukalang-batas na ang aming naisumite at nasa 14 resolusyon at halos lahat ay umuusad sa ikalawa hanggang ikatlong pagbasa at may mga nakapasa na para maging batas.

At ‘yan ay sa loob lamang ng isang taong pakikipagtalastasan namin sa ating mga kapwa mambabatas na hinihimay ang bawat detalye ng aming mga isinusumite hanggang sa tuluyan nang maging batas.

Inuna naming tuparin ang mga pangako namin na dagdag-sahod at karagdagang benepisyo sa mga guro, nurses at manggagawa, maging sa mga government workers na ngayon ay magkakaroon na ng night differential.

Maging ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na isa sa mga nangungunang sektor na pinagtutuunan natin ng pansin para mapagaan ang kanilang buhay tulad ng pagkakaroon ng sariling ospital ay kasalukuyan nang pinapanday para maisakatuparan.

Unang taon pa lamang ito at napakarami pa naming gustong gawin para matulungan ang ating mga kababayan at sana ay huwag ninyong kalimutan ang inyong lingkod sa inyong panalangin na mapagtagumpayan namin sa Senado ang mga pangarap namin para sa inyong lahat.

Sa mga minamahal nating kababayan, maraming salamat at mabuhay kayong lahat at sa mga nagtangkang sirain ang aming pangalan, tandaan ninyong kailanman ang kasamaan ay hindi magtatagumpay.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page