top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Sailing at soft tennis, gold; 3rd sa rowing at golf, ginto

A. Servinio / VA
Dec 9, 2019
3 min read

Photo: Abs-cbn News

Nakadagdag ng isa pang ginto sa hakot ng Pilipinas sa Sailing ng 30th Southeast Asian Games sa Subic Yacht Club. Kampeon sina Lester Troy Tayong at Emerson Villena sa Men’s International 470 kontra sa naka-pilak na Thailand.

Tabla sa 21.0 puntos ang mga Pinoy at Thai matapos ang 10 karera pero nanaig ang mga Pinoy pagdating sa tiebreaker sa apat nilang panalo kumpara sa tatlo ng kalaban. Tanso ang Malaysia na may 27.0 puntos.

Nag-ambag din ng isa pang pilak at tanso ang mga Pinoy Sailors sa International 420 (Under 19). Pumangalawa sina Rhe Gie Lyn Boyano at Coleen Jem Ferrer sa panig ng kababaihan habang pangatlo sa mga kalalakihan sina Brandhon Kyrielle Aquino at Jericko Marbella.

Samantala, sa Rowing, umani muli ng ginto ang Pilipinas sa huling araw ng palaro sa Rowing ng 30th Southeast Asian Games sa Triboa Bay ng Subic Linggo ng tanghali. Napunta kay Melcah Jen Caballero ang ikatlong ginto ng bansa matapos mag-kampeon sa Women’s Lightweight Single Sculls sa oras na 7:50.89. Ang pilak ay kay Rojjana Raklao ng Thailand (7:54.23) habang ang tanso ay kay Mutiara Putri ng Indonesia (7:56.85). Ito na ang pangalawang ginto ni Caballero matapos niyang samahan si Joanie Delgado sa Women’s Lightweight Double Sculls para magtagumpay noong Sabado.

Humabol ng isa pang tanso sina Edgar Ilas at Roque Abala sa Men’s Lightweight Double Sculls sa likod ng mga pares ng ginto ng Indonesia at pilak ng Vietnam. Naghati sa tig-tatlong ginto ang Pilipinas at Indonesia sa anim na nakataya sa disiplina subalit lamang lang ng isang tanso ang mga Indonesian. Samantala, bumida si Bien Zoleta Mañalac para sa Philippine soft tennis team nang magwagi ito ng dalawang gold medals sa 30th SEAG soft tennis competition sa Rizal Memorial Tennis Center.

Unang nagwagi ng gold ang 30-anyos na si Zoleta-Mañalac sa singles matapos gapiin si Kawengai Anadeleyda ng Indonesia, 4-2 sa singles finals. “Para talaga ‘to sa team,” ani Zoleta-Mañalac. “Hindi ako naglaro para sa sarili ko kundi sa team ko at para kay Col. Jeff (Tamayo, president of the national soft tennis federation). Kasi nu’ng pumasok ako ng soft tennis, siya talaga ang todo suporta.”

Natalo si Zoleta-Mañalac kay Kawengai sa preliminaries, 4-2 ngunit, naitakda ang muli nilang pagtutuos sa finals nang tumapos siyang top 2 sa pagtatapos ng round-robin phase. Sa finals, binago ni Zoleta-Mañalac ang kanyang laro para bawian ang Indonesian. “Nung una kasi, nakipagbalikan ako. Binago ko ‘yung laro ko nu’ng nakita ko na nahirapan ako. Ang ginawa ko, nag-opensa ako at kung saan ‘yung strength at weakness niya, pinush ko ng pinush,” wika ni Zoleta-Mañalac na bronze medalist sa World Championship.

Para sa ikalawang gold, nakatuwang niya ang nakababatang kapatid na si Bambi Zoleta sa paggapi kina at Sawitre Naree at Natchatjira Kerdsomboon ng Thailand sa women’s doubles final, 5-0. Naiuwi naman ng isa pang Filipina pair nina Princess Catindig at Edrilyn Peralta ang bronze medal sa event.

Samantala, naka-ginto ang Women’s Golf na dumagdag sa koleksyon ng Pilipinas sa SEAG kahapon sa Luisita Golf and Country Club. Wagi ang mga Pinay sa Team Event para umakyat sa dalawa ang hakot ng disiplina.

Nagbunga ang kombinasyon nina Women’s Individual kampeon Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go para talunin sina Ashley Lau at Natsha Oon ng Malaysia, 2.5-0.5. Apat na ang ginto sa Golf at ang iba pang dalawa ay pinaghatian ng Thailand sa Men’s Team at Singapore sa Men’s Individual. Umahon din ang mga lalaki mula sa matamlay nilang laro sa Men’s Individual at masalba ang tanso laban sa Indonesia, 2.5-1.5. Hindi na uuwi ng walang dala sina Aidric Jose Chan, Luis Miguel Castor at Sean Jean Ramos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page