top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Pekeng pera, kumakalat na naman, mahihirap pa ang biktima

Ryan B. Sison
Dec 9, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Sa panahon ngayon, hindi lang tao at feelings ang napepeke, pati na rin ang pera. Hays!

Ngayong Holiday Season, samu’t saring panloloko na naman ang nakaabang sa atin, gayundin, walang pinipiling biktima ang mga ito, mapa-customer o negosyante.

Kaugnay nito, nagbigay-babala ang mga awtoridad sa publiko na nagsimula na namang kumalat ang mga pekeng pera. Ito ay matapos ang pagkakaaresto sa dalawa katao na nagbayad ng pekeng pera sa isang vendor sa Quiapo sa Maynila, kamakailan.

Kuwento ng tindero, bumili sa kanya ang suspek noong Miyerkules at nagbayad ng pekeng P200 bill sa biniling wall sticker at sinuklian pa ito ng P100 kaya nalugi pa siya. Nalaman lang niya na peke ang P200 bill nang bumili siya sa isa pang tindahan.

Pagbalik ng suspek noong Biyernes, may isa pa itong kasama at bumili ulit ng wall sticker kaya namukhaan ito ng tindero at itinawag sa barangay saka inaresto ang suspek. Nakuha sa kanila ang tig-P50, P100, P200 at P500 counterfeit money.

Bago ang insidente, nagsimula ang reklamo ng mga vendors noong nakaraang buwan.

Paalala ng mga awtoridad sa mga mamimili at nagtitinda, maging mapanuri at alamin ang features ng tunay na pera.

Dapat umanong gawin ang “feel, look and tilt” scheme para masuri kung totoo ang natanggap na salapi. Kailangang magaspang ang materyal ng pera kapag sinalat, makita ang embossed prints, security fibers, asymmetrical serial numbers at see-through mark sa mga ito.

Gayundin, dapat makita ang nakatagong features at halaga ng pera kapag iniikot at tiningnan nang malapitan.

Kawawa naman ‘yung mga kababayan nating todo-sikap na makabenta, tapos babayaran lang ng pekeng pera. ‘Yung tipong kumakayod sila para mabayaran ang inutang na puhunan, pero ang ending, lalo pa silang mababaon sa utang. Tsk!

Para naman sa mga ayaw magbanat ng buto para magkaroon ng pera, mahiya naman kayo. Kilus-kilos din para magkapera at huwag manlamang sa iba!

Napakatagal na ng isyung ito, pero hanggang ngayon, marami pa ring nabibiktima kaya panawagan sa mga awtoridad, paigtingin ang pagtugis sa source ng mga ito. At bilang mamamayan, maging responsable, mapanuri tayo sa mga natatanggap natin at kapag may napansing kaduda-duda, huwag matakot na tawagin ang atensiyon ng mga awtoridad.

Sabay-sabay nating labanan ang pagkalat ng pekeng pera ngayon para matuldukan ito pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page