GF, pinagbabaril din... Lalaki, pumalag sa 4 na holdaper, todas

Tinodas makaraang holdapin ng apat na suspek ang isang lalaki sa Bgy. Paligsahan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Quezon City Police District ang biktima na si Marcus Christian Ong, 36, na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.
Sugatan naman ang kasintahan ni Ong na si Kristy Cardenas, 23, na isinugod agad sa ospital matapos magtamo ng tatlong tama ng bala ng baril.
Batay sa kuha ng CCTV ng Bgy. Paligsahan, makikita ang magkasintahan na pumasok sa isang Vietnamese restaurant. Kasabay nito ang pagdating ng apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.
Pumarada sa gilid ng kanto ang mga suspek at nang lumabas ang magkasintahan ay kita sa video ang angkas ng isang motor na bumaba at tila may binunot sa tagiliran.
Saglit na nawala sa frame ng CCTV ang mga suspek at biktima, hanggang sa mahagip uli ng camera na nag-aagawan na sa isang bag ang dalawang lalaking naka-helmet at ang magkasintahan. Kasunod nito ay bumulagta ang lalaki at natumba na rin ang babaeng kasama nito.
Makikita rin sa video na itinataas ng babae ang kanyang mga kamay na tila humihingi ng saklolo at kasunod nang nakunan ng CCTV ang mga suspek na patakas papunta sa direksiyon ng Scout Chuatoco tangay ang bag.
Ayon sa testigo, apat hanggang limang putok ng baril ang narinig niya.
May na-recover na apat na basyo ng 9-mm na bala ng baril sa crime scene, gayundin ang pares ng tsinelas ng lalaki.
Inaalam na ng mga awtoridad kung pagnanakaw lang ang motibo sa krimen.





Comments