2 kelot sinita sa trapiko, buking sa shabu

Arestado ang dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo matapos sitahin sa paglabag sa batas-trapiko at mahulihan ng hinihinalang droga sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Nasa kustodiya ng Pasay City Police at iniimbestigahan ang mga suspek na sina Jerome Chu y Afable, 22, at Wendell Torillos, 18, kapwa ng Bgy. 193.
Sa imbestigasyon ni S/Sgt. Scott Arcilla, alas-11:00 ng gabi, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) Airport sa kahabaan ng MIA Road, Bgy. 195 nang sitahin ang mga suspek.
Pinara nina S/Sgt. Erwin Tubat, S/Sgt. Melman Gaspar at Cpl. Jeric Salde ang motor na walang plaka na sinasakyan ng dalawang suspek at sinita ang angkas na walang suot na helmet.
Nang beripikahin ng mga pulis, walang maipakitang driver’s license si Chu at nang buksan nito ang compartment ng motorsiklo, rito narekober ang dalawang maliliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.06 gramo na nagkakahalaga ng P300 na dahilan ng kanilang pagkahuli.
Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng mga suspek kabilang na ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.





Comments