Sey n'yo, Vice, Coco at Vic? Pramis ni Aga: Magpapa-party ako 'pag nanalong MMFF best actor!
- Vinia Vivar
- Dec 8, 2019
- 2 min read

Hinuhulaan nang si Aga Muhlach ang mananalong Best Actor sa Metro Manila Film Festival 2019 para sa pelikulang Miracle in Cell No. 7. Sa trailer pa lang ay kitang-kita na kasi ang napakahusay na portrayal ng aktor bilang mentally-challenged father na napagbintangang pumatay.
Sa presscon para sa nasabing pelikula na ginanap last Friday ay nahingan ng reaksiyon si Aga hinggil dito at ‘kaaliw ang sagot niya na ‘pag nanalo ay magpapa-party siya.
“Magpapa-party ako, iimbitahan ko kayong lahat. Libre ko kayong lahat,” sey ni Aga.
Natawa ang entertainment press at kinantiyawan ang aktor na tatandaan nila ‘yun at sey niya, totoo talaga ang kanyang sinabi.
“Totoo ‘to. Kasi, you know, at my age now, parang kung kelan ‘yung feeling mo na patapos ka na, eh, mas maganda ang mga dumarating,” aniya.
Tulad na nga lang daw ng Seven Sundays noong 2017 na comeback film niya after 6 years kung saan ay nanalo siyang Best Actor sa The Eddy’s at FAP Awards. Nasundan pa ito ng First Love with Bea Alonzo noong 2018 at Nuuk with Alice Dixson this year, plus this MMFF entry na Miracle in Cell No. 7 na as we all know ay hango sa highly-acclaimed Korean movie with the same title.
Ani Aga ay napakasaya ng feeling na makakuha ng award. Pero siyempre, ayaw niyang umasa.
“Kasi, more than anything, mas masaya akong maipakita ‘yung pelikula namin na ginawa. Gusto kong mapanood talaga nilang lahat ‘yung pelikula,” he said.
Kung ibibigay daw sa kanya ang Best Actor award ay thankful siya. At inulit niyang kapag nangyari ‘yun ay magse-celebrate siya at lahat ng naroroon sa presscon ay invited at may bonus pa.
Well, positibo kami pati na ang ibang press na makukuha ni Aga ang award kaya ngayon pa lang ay paghandaan na niya ang ipinangako niyang victory party.





Comments