Ulo nakabalot ng plastic bag.. UP student, natagpuang patay
- V. Reyes
- Dec 7, 2019
- 1 min read

Inaalam na ng pulisya kung nagpatiwakal o sadyang pinatay ang estudyante ng University of the Philippines (UP) na natagpuang nakabalot ng plastic bag ang ulo sa nirerentahan nitong silid sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Emmanuel Osbert Cajayon, 19, residente ng Bgy. UP Campus.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, pasado alas-4:00 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang silid ng kanyang nirerentahang boarding house sa nasabing barangay.
Batay sa pahayag sa pulisya ni Amiel Edward Lamit, boardmate ng biktima, nang kanyang buksan ang pinto ng nirerentahang silid para sana magpahinga ay napansin nitong tila may nakaharang.
Dahil hindi mabuksan ay kumatok umano si Lamit subalit, matapos ang ilang minuto ay wala pa ring nagbubukas kaya humingi na siya ng saklolo sa kanilang landlord na si Winston de Vera.
Agad tumulong ang landlord at nang mabuksan ang pintuan ay bumungad sa kanila ang nakabulagtang katawan ng UP student na may balot ng dilaw na plastic bag ang ulo.
Mabilis na tinanggal ng landlord at ni Lamit ang nakabalot na plastic bag sa ulo ng biktima subalit, nang kanilang pulsuhan ay wala na itong buhay kaya agad nilang iniulat sa pulisya ang insidente.
Ayon kay John O. Agtarap ng QCPD-SOCO, wala silang nakitang ‘external injury’ sa bangkay ng biktima at posibleng suffocation ang ikinamatay nito.





Comments