Mga dahilan kaya marami ang naghihiwalay kapag kapaskuhan

Wala tayong balak sirain ang masaya at exciting na Kapaskuhan, pero sabi nila, ang Pasko raw ay hindi palaging masaya dahil minsan, “it’s the most wonderful time of the year — for break-ups!”
Ooops! Well, ayon ito kay Laura Bilotta, author, TV host, dating coach, matchmaker at founder ng dating website na Single in the City.
Pero relax, hindi ibig sabihin nito ay mapapraning na tayo na baka mangyari ito sa love life natin.
Napapanahon man o nagkataon lang, anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit nagkakalabuan at nauuwi sa hiwalayan ang mga magkarelasyon kapag Holiday Season?
1. BAGONG SET NG EXPECTATIONS. Bawat isa ay may kani-kanyang level of expectations ngayong Kapaskuhan. Hindi tulad ng simpleng laruan na hinihiling natin kay Santa Claus noong mga bata pa tayo, iba na ang nilu-look forward natin ngayon — katuparan ng mga pangarap, stable na trabaho, purpose sa buhay, kasiyahan at marami pang iba.
Sabi ni Bilotta, ang expectations natin sa buhay ay nagdudulot ng extra pressure sa relasyon kung hanggang saan o kailan natin kayang suportahan ang isa’t isa, kung saan kapag hindi ito nabalanse nang maayos, hiwalayan ang kahahantungan.
2. SOBRANG STRESS. Mula sa matinding trapik, walang katapusang pila sa mga supermarket at iba pang pamilihan hanggang sa pabagu-bagong panahon, hindi alintana na stressful talaga ang kasalukuyang okasyon.
Ayon kay Bilotta, kapag ang sobrang stress ay nasabayan ng demanding na partner at wala sa lugar na away n'yong dalawa, posibleng hindi na umabot next year ang inyong relasyon.
3. PAGPAPAKILALA SA PAMILYA. Usung-uso ang pagpapakilala sa pamilya ng dyowa ngayong Pasko sa maraming dahilan — para maging legal, mapatunayan kung proud talaga kayo sa isa’t isa etc.. Sa kabila nito, ang 'meeting with the parents' ay isa sa mga dahilan kaya nauuwi sa split-up ang relasyon.
Paliwanag ni Bilotta, kapag ipinakilala na ang partner sa pamilya, ibig sabihin nito ay totohanan na.
At minsan, nare-realize ng ilan, na ang kanilang partner ay hindi pa ang ‘someone’ na nais nilang ipakilala sa kanilang pamilya — kaya naghihiwalay na sila bago ang nasabing pagpapakilala.
4. PEER PRESSURE. Madalas, love life ang topic sa anumang okasyon — single, taken o married ka man. Paalala ni Bilotta, maging maingat sa pagse-share dahil kapag nabuksan na ang love story n'yo sa iba, umasa kayong meron silang opinyon na posibleng magdulot ng kung anu-anong ideya hanggang sa dumating sa punto na magtatanong ka na, “Nakikipag-date ba ako sa tamang tao?”, “Siya ba ang ipakikilala ko sa kanila bilang asawa at iba pa?”
5. NEW YEAR, NEW START. Isa sa mga itinuturing na dahilan kung bakit naghihiwalay ang magkarelasyon ay dahil gusto ng pagbabago, ganu’n lang kasimple.
Kasunod ng Pasko ay Bagong Taon, bagong simula at oportunidad na posibleng magpabago sa buong buhay natin, depende kung ano o sino ang kalilimutan at panghahawakan.
Siyempre, case-to-case basis pa rin ‘yan, depende kung gaano ka-solid ang inyong pagsasama.
Ang Holiday Season ay ‘bittersweet reminder’ na mayroong mga tao sa ating buhay na kusang dumarating at sadya ring aalis sa anumang dahilan. Okidoki?





Comments