Istayl ni VP Leni sa pagharap sa hamon laban sa droga, sakto sa panahon ng adbiyento
- Fr. Robert Reyes
- Dec 7, 2019
- 2 min read
Paano tayo maghintay sa pagdating ng kaibigan? Ano ang nararamdaman natin?
Noong ika-6 ng Nobyembre, ginulat ni VP Leni Robredo ang mamamayan nang tanggapin nito ang inialok sa kanyang puwesto bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Walang kaabug-abog na tinanggap ni VP Leni ang alok na pawang masamang biro, pangungutya at panduduro. Bago nangyari ang pagtanggap niya sa puwesto, marami ang nagbabala sa kanya na huwag itong patulan dahil patibong lamang daw ito. Pero matapang siya, hindi siya napikon at nagbulalas ng galit, hindi rin ito nagpadala sa payo ng marami na huwag papatol.
Bakit malinaw para kay VP Leni ang diwa ng Adbiyento? Una, malinaw sa kanya kung sino ang dapat niyang hintayin at pakinggan. Pangalawa, alam niya kung paano maghintay at pangatlo, alam niya kung bakit siya naghihintay.
Walang ibang hinihintay si VP Leni kundi ang tunay na Diyos, sa katauhan ng ating Panginoong HesuKristo. Sa kanyang paghihintay, hindi siya nagpatalo sa ingay, galit at kampihan na likas sa mga magkakaaway. Tila, ang kanyang tinularan ay ang mahinahon at marunong na puso ng mismong Diyos na kanyang hinihintay. At malinaw din sa kanya na ang tamang paghihintay ay hindi para sa pansariling kapakanan kundi sa kapakanan ng nakararami.
At kahit sinibak agad siya bilang co-chairman ng ICAD, mahinahon at walang anumang kabog na makikita sa kanyang pagkatao. Sa kabila nito ay sinabi niyang, “nagsisimula pa lamang ako. Kinuha lang nila ang aking posisyon, hindi ang aking determinasyon.” Dagdag pa nito, “hindi ako titigil at sa tamang panahon, aking ilalahad sa taumbayan kung ano ang aking mga natutunan at natuklasan hinggil sa problema ng droga.”
Kaya nagtungo noong unang Lunes ng Adbiyento sa tanggapan ni VP Leni ang halos 70 mamamayan upang magpasalamat sa kanyang napakagandang halimbawa na nagbibigay ng liwanag at lakas sa marami.
Samantala, habang nakatuon ang atensiyon ng marami sa nagaganap na 30th Southeast Asian Games, meron ibang mahalagang sigla, init at liwanag na lumalaganap. Samantala, nakatataba ng puso at nakapagtataas muli ng moral ng lugmok na sambayanang Pilipino ang mahusay at dakilang pakikipagpaligsahan ng mga atletang Pinoy, gayundin ang naiaambag ng kakaibang pamumuno ni VP Leni. Hindi lakas at tikas ang taglay at gamit ni VP Leni kundi ang matatag at hindi matitinag na pananampalataya, paninindigan at pagmamahal nito sa mga maliliit, karaniwan, mahihirap na biktima ng karahasan at paglapastangan sa karapatang-pantao.
Adbiyentong-Adbiyento na po!





Comments