top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Hotel, hindi na rin pala safe, CCTV at sekyu, wa’ ‘wenta

Ryan B. Sison
Dec 7, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Ngayong Holiday Season, hindi nauubusan ng diskarte ang mga kawatan para mambiktima ng ating mga kababayan.

Wala rin silang pinipiling pagkakataon at kahit nasa bakasyon, hindi kayo palalampasin ng mga ito.

Kaugnay nito, pinag-iingat ngayon ang publiko matapos ang ulat ng nakawan sa isang hotel. Batay sa ulat, nag-check-in ang magkasintahan at biglang nagising ang babae saka natuklasang nawawala na ang kanyang sling bag.

Kuwento ng biktima, dalawang cellphones at cash ang laman ng kanyang bag, gayundin, nawala ang cellphone ng lalaki na inilagay sa gilid ng kama.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi naisara ng magkasintahan ang pinto ng inupahang kuwarto kung saan dumaan ang suspek.

Batay sa CCTV footage, matagumpay pang nakadaan palabas ng hotel ang suspek dahil tulog ang security guard.

Kahit may CCTV camera at sekyu, pero natutulog naman ito habang naka-duty, malinaw na may pagkukulang kaya ang panawagan natin sa mga hotel owner, huwag naman puro kabig ng pera mula sa mga kliyente at bisita, mag-invest din sa kanilang seguridad!

Sabihin na nating may CCTV camera, pero kung hindi ito namo-monitor o wala namang bantay, wa’ ‘wenta rin.

Hindi siguro ninyo ikalulugi kung dodoblehin ang sekyu na panggabi at maglaan ng taong tututok sa CCTV dahil kadalasan, ganitong oras umaatake ang mga kawatan.

Gayundin, pag-aralan ang mga puwedeng daanan para matukoy kung paano mahihigpitan ang seguridad.

At sana, ang paghihigpit na ito ay gawin sa lahat ng oras at hindi kapag may nanakawan lang. Ang problema kasi sa atin, kailangan pang may mabiktima bago magtanda. Tsk!

Samantala, para sa mga kababayan nating magbabakasyon at magho-hotel, magsilbi sana itong leksiyon at huwag masyadong makampante dahil anumang oras ay maaaring sumalakay ang mga kawatan kaya ipinapayo na maging alerto sa lahat ng oras.

Ang mga ganitong insidente ay hindi dapat ipagsawalambahala dahil kung iisnabin, baka hindi lang gamit ang mawala sa susunod kundi pati buhay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page