10 buwang internship, dapat kumpletuhin para makapag-exam sa respiratory therapist
Dear Chief Acosta, Nakatapos na ako ng anim na buwan ng respiratory therapy clinical internship sa ilalim ng pangangasiwa ng rehistradong respiratory therapist. Maaari na ba akong maging aplikante para sa licensure examination ng respiratory therapist? — Samuel
Dear Samuel, Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Section 13(b) ng Republic Act No. 10024 na mas kilala bilang “Philippine Respiratory Therapy Act of 2009” kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Section 13. Qualification of Applicants. - An applicant for the licensure examination for respiratory therapists shall establish to the satisfaction of the Board, that: xxx (b) He/she has completed at least ten (10) months of internship equivalent to a minimum of one thousand five hundred (1,500) hours of respiratory therapy clinical internship under the supervision of a competent, duly qualified and registered respiratory therapist; xxx” (Binigyang-diin)
Ibig sabihin, para makakuha ng licensure examination ang aplikante para sa respiratory therapist ay nararapat magpatunay sa Professional Regulatory Board of Respiratory Therapy na taglay nila ang mga kuwalipikasyon upang makakuha ng nasabing pagsusulit. Isa sa mga nasabing kuwalipikasyon ay ang pagkumpleto ng sampung (10) buwan na internship na katumbas ng 1,500 oras ng respiratory therapy clinical internship sa ilalim ng pangangasiwa ng kuwalipikado at rehistradong respiratory therapist. Sa iyong sitwasyon, hindi ka pa maaaring maghain ng aplikasyon upang makakuha ng licensure examination dahil hindi mo pa nakukumpleto ang angkop na sampung (10) buwan na respiratory therapy clinical internship.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments