top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

May nasampulan na sa fake news, who‘s next?!

Ryan B. Sison
Dec 6, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kamakailan, nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na makakasuhan ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon o fake news, lalo na sa social media.

Ito ay matapos ang sunud-sunod na posts ng mga netizen hinggil sa kanilang karanasan sa puting van na diumano’y dahan-dahang sumusunod sa kanila para manakot.

At kahit naglabas na ng statement ang ilang alkalde, patuloy pa rin sa pagpo-post ang mga ito.

Kaugnay nito, nasampulan ang 21-anyos na lalaki sa Danao City, Cebu matapos mag-post sa FB ng gawa-gawang kuwento ng tangkang pagdukot sa kanya ng mga lalaking sakay ng puting van.

Ayon sa suspek, inimbento lang niya ang kuwento dahil nais niyang pigilan ang kabataan na gumala tuwing gabi.

Samantala, sa isa namang viral video, makikitang huminto ang puting van sa tapat ng isang lalaki at lumabas ang mga sakay nito saka sapilitan siyang ipinasok sa sasakyan.

Ngunit, ayon sa PNP, prank o biro lamang ang naturang video at dagdag pa ng PNP Anti-Cybercrime Group, marami nang posts tungkol sa mga van na hoax o peke.

Dahil dito, maraming alkalde ang nanawagan na huwag magpakalat ng impormasyong hindi kumpirmado upang maiwasan ang pangamba ng publiko.

Sa totoo lang, kahit gaano kaganda ang intensiyon mo, kung mali naman ang paraang gagamitin, wa’ ‘wenta ito.

Kung gusto nating maging aware ang mga tao, gawin ito sa tamang paraan at hindi natin kailangang gumawa ng pekeng kuwento.

Sa dami ng nabahala dahil sa walang katotohanang impormasyon, sana ay magsilbi na itong leksiyon upang maging maingat tayo sa mga ipino-post natin, lalo na kung may kinalaman ito sa kaligtasan ng ating kababayan.

Napakarami nang problema sa bansa kaya panawagan sa lahat, huwag tayong maging sakit ng ulo at maging matalinong social media user sa pamamagitan ng pagiging mapanuri at pag-iisip sa maaaring maging epekto ng post sa mga makakabasa.

Paalala sa lahat, tama na ang pagpapakalat ng fake news dahil pinalalala lang nito ang isyu at huwag na nating hintayin na dumami pa ang masampulan bago tayo magtanda.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page