Wala nang disiplina, kulelat pang magbasa
- BULGAR

- Dec 5, 2019
- 2 min read
Naaalala n’yo pa ba ang alamat ng “Abakada” na sinusundan ng paluan? Noong kabataan natin, wala yatang hindi pinaiyak ng librong ito, matuto lang bumasa.
Pero, mas nakakaiyak na malaman na sa kasalukuyan, tayo raw ang pinakakulelat sa pagbasa nang may pang-unawa. Sa isinagawang literacy assessment ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), pinakamahina umano ang reading comprehension ng mga Pinoy kumpara sa 78 bansa o lahi.
Isinailalim ang 600,000 na 15-anyos na estudyante mula sa 79 na bansa kabilang ang Pilipinas sa dalawang oras na 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) Exam. Batay sa resulta ng pagsusulit, isa sa kada apat na estudyanteng Pinoy ay hindi man lamang makakumpleto ng isang basic reading task.
Anong nangyayari? Ito na ba ang epekto ng pagpasok sa eskuwela nang walang laman ang tiyan o pagpasok nang bitbit ang away ng mga magulang? Maaari rin bang ito na ang epekto ng napakaraming destructions sa pag-aaral tulad ng social media at internet? Kilala pa ba nila ang libro? Nakapunta na ba sila sa library?
Bumababa na ba ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa? Kaya pa bang turuan nina sir at ma’am ang 50 estudyante sa isang klase? May lakas at pagkakataon pa ba silang alamin kung nakakabasa na ba nang maayos ang bawat isa? Hindi kaya may isang bagay na nawawala? Disiplina. Noon, hindi ka papasa kung hindi ka marunong bumasa at pati ang principal ay uupo para matutukan ka. Ngayon, may ilan na ipinapasa para wala na lang gulo.
Paano? Hindi makapagbasa nang maayos ang estudyante, tuturuan ng titser, ayaw sumunod. Hindi naman maparusahan dahil baka maireklamo at matanggalan pa ng lisensiya sina ma’m at sir. Kapag ibinagsak ang bata, magsusumbong sa mga magulang saka susugod sa eskuwelahan at gagawa ng eksena.
Minsan, hindi na rin alam ng mga titser kung saan sila lulugar. Tinatawag silang pangalawang mga magulang, pero hindi nila madisiplina ang mga anak-anakan. Hindi lang ito obligasyon ng mga guro kundi dapat ay katuwang din ang mga magulang.
Kung hindi makapagbasa nang may pang-unawa ang anak, sino ba ang magiging kawawa? ‘Yung mga simpleng batas-trapiko, exam sa trabaho o instructions sa manual ng kung anu-anong kagamitan, kung hindi nila ito maiintindihan, puwede silang mapahamak o mahirapan.
Napakahalaga ng reading proficiency, huwag natin itong ipagsawalam-bahala.





Comments