Pramis ni P-DU30: Mandarayang negosyante, kulong!

Sa Pilipinas, kapag gusto mong kumita ng pera, dapat madiskarte ka.
Pero minsan, ang kagustuhan nating kumita ang nagtutulak sa atin para gumawa ng masama o manlamang sa kapwa. Tulad na lamang ng diumano’y panloloko ng malalaking water concessionaires sa kanilang mga kostumer.
At dahil dito, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging madugo rin ang kanyang kampanya sa paghahabol sa mga mayayamang negosyanteng mandaraya at hindi nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Yayariin daw niya ang mga ito at gusto niyang makita sa loob ng kulungan at makaranas ng mahirap na buhay para hindi na makapanloko ng iba.
Kaya pakiusap ng pangulo, huwag na siyang pahirapan at ayusin na lang ang pagnenegosyo sa bansa. Sa totoo lang, nakadidismaya dahil minsan, kung sino pa ang may malalakas at established na negosyo ay sila pa ‘yung pasaway at nanlalamang.
Tipong limpak-limpak na pera ang kinikita, pero tagilid pagdating sa pagbabayad ng buwis o nanloloko ng mga kostumer. Tsk!
Samantalang, ‘yung maliliit na negosyante, kahit hindi gaanong kumikita ay nagbibigay ng tapat na serbisyo at todo-sikap para masunod lahat ng batas makapag-operate lang.
Dapat lang na walang santuhin ang kampanyang ito at huwag magpadala sa ‘lagay’ ng malalaking kumpanya. Kapag napatunayang nandaraya o may nilalabag na batas, huwag magdalawang-isip na panagutin dahil ito ang nararapat. Maliit o malaki man ang negosyo, iisa lang ang ating gusto — kumita para may maipakain sa pamilya at matustusan ang ating mga pangangailangan. Kaya sana, maging patas tayo sa laban.
Panawagan sa mga nagbabalak magnegosyo at nagnenegosyo, oks lang maging madiskarte para kumita, pero sana ay gawin ito sa tamang paraan at hindi sa pamamagitan ng panlalamang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments