4 gold sa obstacle course; Ginto ulit sa Weightlifting

Photo: pcoo.gov.ph
Maagang umarangkada ang grupo ng National Obstacle Team matapos kumarera ng ng apat (4) na gintong medalya upang dominahin ang men at women’s Obstacle Course kahapon sa 30th Southeast Asian Games na idinaos Filinvest City, Alabang (East Asia Drive) sa Muntinlupa.
Nagawang walisin ng Pilipinas Obstacle Sports Federation (POSF) ang lahat ng top-honors matapos pasimulan ng grupo nina Kyle Redentor Antolin, Kaizen Dela Serna, Monolito Divina at Deanne Nicole Moncada ang kunin ang Mixed Team Assist 400m x 12 Obstacle sa oras na 3:48.35 upang makuha ang unang ginto ng bansa at iniwan nang husto ang ibang koponan.
Nakuha ng Malaysia ang silver medal sa katauhan nina Mohd Redha Rozlan, Mohd Saddam Mohd Pittli, Yip Hui Teng at Tan Jie Yi na nagtapos sa 4:29.28, habang pumangatlo ang Indonesian team nina Adnan Buchari, Pahrul Razi, Mudji Mulyani at Nadia Putr sa 5:30.12.
Kumana ang isa pang grupo ng pambansang koponan ng isa pang gold medal sa Mixed Team Relay 400m x 12 Obstacle nina Diana Buhler, Jeffrey Reginio, Klymille Keilah Rodriguez at Nathaniel Sanchez sa oras na 1:59.56. Nakuha ng quartet nina Mohd Redha Rozlan, Yoo Wei Theng, Mohd Drus Salfarina at Tan Jie Yi ng Malaysia ang silver medal sa oras na 2:01.68, samantalang ang alyansa nina Laskaman Zalukhu, Patuan Pulungan, Mudji Mulyani at Nadia Putr ng Indonesia ay kinuha ang 2:16.88 para sa bronze medal.
Nagpatuloy ang dominasyon ng National Team nang tumapos ng 1-2 finish sina Rochelle Suarez at Milky Mae Tejares sa women’s individual 100m x10 Obstacle course sa oras na 46.70 at 47.88, ayon sa pagkakasunod, para sa gold at silver medal sa Pilipinas, habang nakuha ni Tan Jie Yi ng Malaysia ang bronze medal sa 57.18.
Kinumpleto ni Kevin Jeffrey Pascua ang sweep ng mga medalya nang ibulsa ang men’s individual 100m x10 Obstacle course sa oras na 29.92 para sa gold laban sa 34.01 ni Mohd Redha Mozlan ng Malaysia, habang kumana rin ng bronze si Mark Julius Rodelas sa 32.94. Nabigyan ng pagkakataon ang Obstacle Course na makapag-arangkada dahil sa pagkakaroon ng entry na apat na bansa sa ASEAN region kabilang ang Singapore, Malaysia, Indonesia at Laos. Dalawa pang gintong medalya ang paglalabanan bukas, Biyernes sa Individual 5k x 20 obstacle para sa men at women. Samantala, binuhat ni Kristel Macrohon ang ikalawang gintong medalya ng Philippine National Weightlifting matapos pangunahan ang women’s 71kgs category sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Kasunod ng matagumpay na pamamayagpag ni 2016 Rio Olympic silver medalist Hidilyn Diaz nitong Lunes nang kunin ang kauna-unahang gold medal sa 55kgs division, isa na namang Pinay ang umangat sa rurok ng tagumpay sa larangan ng pagbubuhat. Iniangat ng 23-anyos na tubong-Zamboanga City ang kabuuang 216-kgs na nanguna rin sa clean and jerk sa 123-kgs at tumabla sa snatch sa 93-kgs upang kunin ang kauna-unahang ginto nito sa biennial meet.





Comments