‘Pag nagkamali, katumbas ay kamatayan... Alamin: Halagang dapat ilagay sa ang pao para suwertehin an
- Twincle Esquierdo
- Dec 5, 2019
- 2 min read

Naging kaugalian ng ng mga Pinoy ang pagbibigay ng ‘ang pao’ o pulang sobre sa mga bata tuwing Pasko. Ayon sa mga nakatatanda, nagmula ito sa mga Chinese, ngunit ang pagbibigay natin nito ay hindi kasingsagrado tulad ng mga Tsino dahil mayroon silang sinusunod na rules sa pagbibigay ng red envelope.
Para sa mga Chinese, napakahalaga ng pagbibigay nito dahil ito ay sumisimbolo ng kapangyarihan, kalakasan, kasiyahan at magandang kapalaran.
Gayundin, ito ay tanda ng magandang hangarin at kapalaran kung saan ipinahihiwatig nito na ipinagdarasal ng nagbigay ang kaligtasan at kabutihan ng pinagbigyan para sa buong taon.
Anu-ano ang rules sa pagbibigay nito?
1. MAGLAGAY NG BAGO AT MALUTONG NA PERA. Base sa paniniwala ng mga Chinese, kailangang malutong at bagong pera ang ilalagay dito para suwertehin ang pagbibigyan.
2. HUWAG MAGLALAGAY NG MAY KATUMBAS NA 4. Ayon sa mga Chinese, ang paglalagay ng pera na may halagang 4 tulad ng 40, 400 at 4,000 ay katumbas ng kamatayan. At kung 8 naman ang katumbas ng perang ilalagay, ito ay pinaniniwalaang suwerte.
3. TANGGAPIN GAMIT ANG DALAWANG KAMAY. Kapag tinanggap ang ‘ang pao’, kailangang gamitin ang dalawang kamay sa pag-abot habang nakaluhod. Ito ay sumisimbolo ng paggalang sa mga nakatatanda na nagbibigay nito.
4. MAGPASALAMAT SA NAGBIGAY. Tulad ng palagi nating ginagawa kapag may natatanggap tayo, kailangang magpasalamat sa nagbigay ng ang pao. Gayundin, huwag itong buksan sa harap ng nagbigay at gawin ito sa pribadong lugar tulad ng kuwarto o bahay.
5. MAGKANO ANG DAPAT ILAGAY SA ANG PAO. Dahil naniniwala sila na malas ang 4, nagbibigay sila ng halaga na higit sa numerong ito at 8 ang suwerte. Ayon sa mga Chinese, ang dapat ibigay sa mga anak ay RM50 o higit P50, sa mga biyenan ay RM88 o P1,000 at higit pa. Samantala, sa mga inaanak ay RM5-10 o P5-10 at sa mga apo naman ay RM8-38 o P8-38.
Ayan, mga ka-Bulgar, alam na natin ang mga rules at kung gaano kasagrado para sa mga Chinese ang pagbibigay ng ang pao. Ibang-iba man ito sa nakasanayan natin, respetuhin natin ang kanilang nakasanayan at kung bet n’yo ring sundin, why not?




Comments