top of page

Mga bagay na magpapatatag sa relasyon

  • Twincle Esquierdo
  • Dec 4, 2019
  • 2 min read

Iba’t iba ang kinahihinatnan ng bawat relasyon. May nauuwi sa kasalan at meron namang napupunta sa hiwalayan. Awww!

Hindi man natin alam ang mga dahilan ng kanilang paghihiwalay, siguradong umabot sa punto na hindi sila nagkaunawaan. Gayunman, para maiwasan ang hiwalayan at hapi-hapi lang, narito ang ilang bagay na dapat bigyang-pansin upang tumatag ang isang relasyon:

1. TIWALA. Kung wala kang tiwala sa partner mo, ano pa ang saysay ng pagsasama ninyo? Kapag nagmahal tayo, hindi puwedeng mawala ang tiwala sa ating partner dahil bago natin sila mahalin, tiwala ang unang ibinibigay. Ga-anuman katagal ang inyong relasyon, kailangan mong patunayan sa iyong partner na dapat kayong pagkatiwalaan.

2. PAGTATALIK. Ang pagtatalik ng mag-partner, partikular na ang mag-asawa ay isa sa mga paraan para maging matatag ang pagsasama, gayundin upang maramdaman ang koneksiyon ng isa’t isa.

3. RESPETO. Isa ito sa mga ‘must have’ sa isang relasyon kung saan dapat itong ibigay sa ating partner sa anumang aspeto ng buhay. Kung ano ang desisyon at gusto niya, respetuhin mo ito. Tandaan, may kani-kanya pa rin kayong buhay kahit kayo ay magkarelasyon na. Sa ganitong paraan, mae-establish ang tiwala ninyo sa isa’t isa at magandang pundasyon ng relasyon.

4. KOMUNIKASYON. Napakaimportante ng komunikasyon sa magkarelasyon dahil dito malalaman kung ano ang kalagayan ng taong mahal mo kahit hindi kayo magkasama. Hindi ninyo kailangang mag-usap kada oras, pero ang simpleng pag-a-update sa isa’t isa ay oks na para makasiguradong ligtas ang bawat isa. ‘Ika nga nila, communication is the key.

5. KOMPROMISO. Sa relasyon, dapat give and take at hindi dapat tanggap lang nang tanggap. Dapat ay marunong kayong mag-compromise o mag-adjust sa pangangailangan ng isa’t isa dahil kung hindi, wala na, finish na. Sa ganitong paraan, magiging balanse ang inyong relasyon. Sabi nga nila, huwag tayong kuha nang kuha, kailangan din nating magbigay.

6. PAGSASARILI. Tulad ng nabanggit, kahit magkarelasyon kayo ay meron pa rin kayong kani-kanyang buhay, hilig at gusto, kaya hindi sa lahat ng oras ay magkasama kayo ng partner mo. Minsan, kailangan n’yo ring makasama ang pamilya at mga kaibigan ninyo nang wala sila. Hindi lang sa inyong dalawa umiikot ang mundo kundi pati na rin sa mga taong nakapalibot sa inyo.

7. PAGKAKAISA. Ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa bawat isa. Kailangang maging matatag at matibay kayo dahil sa relasyon, dapat magkakampi kayo. Puwede kayong maging ina, ama, katulong o doktor sa inyong kapareha dahil palagi kayong magtutulungan sa kahit anong problemang haharapin n’yo. Huwag n’yong hayaan na ang partner n’yo lang ang mag-isang haharap sa anumang problema sa inyong relasyon.

8. PAGMAMAHALAN. Ito ang hindi dapat mawala sa isang relasyon. Dahil dito, nagsisimula ang lahat ng mga naunang nabanggit. Ito ang pundasyon sa lahat kaya kapag wala ito ay wala rin ang lahat ng ‘yun. Mawala man ang tiwala at respeto, ang pagmamahal ay mananatili na siyang dahilan kung bakit nauuwi sa hiwalayan ang ilan sa mga magkakarelasyon.

Mga ka-Bulgar, kung alam n’yong may mga pagkukulang kayo sa partner ninyo, simulan n’yong bumawi sa kanila at humingi ng kapatawaran. Sa halip na magsisihan sa mga pagkakamali, manatiling matatag para sa isa’t isa at magkasamang ayusin ang anumang nasira sa inyong pagsasama.

Copy?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page