Aeronautical student nagbaril sa sentido

Patay ang 23-anyos na Aeronautical student matapos magbaril sa sentido sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Tondo, Manila, kamakalawa.
Duguan ang ulo nang abutan ng kanyang mga magulang ang biktimang si alyas ‘Carl’, Aeronautical student sa Air Link.
Batay sa imbestigasyon ni PEMS Jonathan Bautista, nadiskubre ang bangkay alas-12:00 ng tanghali sa kuwarto ng biktima at nakuha rin malapit sa bangkay ang Taurus .40 calibre.
Ayon sa ama ng biktima, huli niyang nakitang buhay ang anak noong Disyembre 1, bandang alas-11:00 ng gabi.
Nabatid na umalis umano sila ng bahay para mamili at dumalaw sa lolo ng biktima. Pag-uwi ng bahay, nakaugalian na umano ng ama na tawagin ang anak pero, nagtaka sila nang hindi ito sumasagot.
Dahil dito, dumiretso na ang ama sa kuwarto ng anak pero naka-lock at sa hinalang may nangyaring hindi maganda kaya puwersahan nilang binuksan ang pinto at dito tumambad ang nakabulagta at duguang biktima.
Natuklasan na ang ginamit na baril ng biktima ay pag-aari ng ama, na iginiit na may dokumento ito.





Comments