Prank gamit ang van na nangunguha ng bata, hindi nakakatuwa

Iba’t iba ang naging reaksiyon ng taumbayan matapos kumalat sa social media ang mga post tungkol sa gumagalang van na nangunguha ng kabataan.
Maraming natakot, meron namang dedma lang at may ilang hati ang opinyon.
At kaugnay nito, mabilis na umani ng reaksiyon ang isang post ng netizen sa Twitter dahil sa umano’y prank na naranasan niya.
Ayon sa netizen, nang napansin niyang sinusundan siya ng van habang naglalakad sa EDSA Taft, huminto ito saka nagbukas ng pinto at sumigaw ng “prank lang, pare!” Galit na galit ang netizen dahil para umano siyang mamamatay sa nerbiyos, pero ginagawa lang itong biro ng ilan.
Agad nag-react ang ilang netizens kaya umani ng batikos ang mga umano’y nampa-prank. Anila, wala sa lugar ang prank at hindi dapat gawing biro ang ganitong isyu.
‘Yung simpleng pagpo-post pa lang sa socmed, nagdulot na ng panic at takot sa mga tao, paano pa kaya ‘yung ganito?
Oks lang na gawin ninyo ang mga trip n’yo, pero sana ay huwag na kayong mandamay ng inosenteng tao. Paano na lang kung may sakit sa puso ang napagtripan ninyo? Tsk!
Iba’t iba ang reaksiyon ng mga tao sa bawat pangyayari kaya sana, ikonsidera ninyo ito bago gumawa ng mga bagay na nakakatawa para sa inyo.
Hindi na tayo bata para pagkatuwaan ang mga bagay na kinatatakutan ng ilan kaya totoo man o hindi ang napababalitang nangunguha ng kabataan na sakay ng van, hindi ito dapat gawing biro o katuwaan dahil hindi naging maganda ang epekto nito sa taumbayan.
Maging responsable tayo sa ating mga desisyon, hindi lang sa pagpo-post sa socmed ng impormasyong walang katotohanan kundi pati ang mga biro para sa atin, pero seryosong bagay para sa iba.
Ang pagseseryoso sa ganitong bagay ay dapat gawin nang kusa at hindi na kailangan pang ipag-utos.
Kailangan pa bang magkaroon ng batas para ipagbawal ang mga prank upang tumatak sa isip natin na delikado ito sa publiko?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments