Mga todo-lait sa kapalpakan ng SEA Games, biglang proud Pinoy na ngayon
- Ryan B. Sison
- Dec 2, 2019
- 2 min read

Naging magarbo ang pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games kung saan dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan.
Bago ang deklarasyon ng pagbubukas, ipinakita ang mga kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga awit at katutubong sayaw.
Gayundin, nag-perform ang mga sikat na musical artists sa bansa kung saan ang kanilang performance ay pasok sa tema ng SEA Games na “We Win as One”.
Kasunod nito, pinangunahan nina boxing legends Manny Pacquiao at Nesthy Pelecio ang pagsisindi ng kontrobersiyal na cauldron na sinabayan ng fireworks display sa Athletic Stadium sa New Clark City, Tarlac.
Sa kabila ng mainit na panahon sa maghapon, hirap sa pagpila at dinatnan ng gutom, napalitan ito ng kasiyahan at paghanga sa opening ceremony na itinuturing nilang world-class.
Samantala, nu’ng nakaranas ng mga aberya habang hindi pa nagsisimula ang palaro, hindi natin maitatanggi na puro pamba-bash ang natanggap ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), pero nang mapanood ang opening, tameme ang mga basher at nakisali sa mga kababayan nating “proud to be Pinoy”.
‘Yung tipong ang gagaling pumuna at magbato ng kritisismo, pero fake news naman ang kanilang basehan. Tsk!
Ang problema kasi sa atin, kapag may konting pagkakamali, ang bilis nating pumuna at magsabing nakakahiya tayong mga Pinoy, pero kapag pabor sa atin ang nangyari, nakaka-proud daw.
Bagama’t, wala namang masama sa paghahayag ng mga opinyon, huwag naman sanang hilahin pababa ang imahe ng Pilipinas at kapwa Pilipino dahil hindi ito nakakatulong.
Iisa lang ang hangad nating lahat— ang matapos ito nang mapayapa at maibigay sa mga atleta mula sa iba’t ibang bansa ang maganda at maayos na palaro.
Panawagan sa mga kapwa natin Pinoy, tama na ang batikos at pagiging nega, sabayan natin ng pagkakaisa ang pagsisikap ng pamahalaan upang maging matagumpay ang pagdaraos ng SEA Games sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments