Day 1 ng SEA Games.. ‘Pinas, humakot ng ginto
- V. Reyes
- Dec 2, 2019
- 1 min read

Hindi bababa sa 15 medalyang ginto ang nasungkit ng mga manlalaro ng Pilipinas sa idinaraos na 30th Southeast Asian Games sa bansa.

Photo: 2019seagames.com
Sa huling tally, alas-3:25 ng hapon, 18 na ang mga medalyang nakuha ng Team Pilipinas at nangunguna ang bansa sa 10 iba pa na katunggali ngayon sa mahigit 50 laro ng SEA Games.
Buwenamano sa ginto si John “Rambo” Chicano para sa Men’s Triathlon event sa Subic, Zambales at sumunod sa kanya ang pambato ng Pilipinas sa wushu na si Agatha Wong.
Ang defending champion na si Kim Mangrobang ay napanatili ang titulo nang manalo rin ng gintong medalya sa larong Women’s Triathlon.
Limang medalyang ginto rin ang nahakot ng mga pambato ng Pilipinas sa Dancesport category habang si Dexler Bolambao ay ginawaran ng gold medal sa bantamweight category ng larong Arnis. Dalawang ginto naman ang naipanalo ng mga manlalaro ng Pilipinas sa sepak takraw.
Tatagal nang hanggang Disyembre 11 ang SEA Games.
Sumusunod sa Pilipinas sa standing ng mga humahakot ng medalya ang Vietnam. Iba pang detalye sa pahina 40.





Comments