top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Esep-esep bago magkalat ng fake news sa gumagalang van

  • Ryan B. Sison
  • Dec 1, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kung noon ay dedma lang tayo sa mga tsismis na may gumagalang puting van at nangunguha ng bata para ibenta ang mga laman-loob, ngayon ay halos wala nang laman ang mga kalsada dahil sa isyung ito.

Hindi maiwasang matakot ang mga residente sa iba’t ibang lugar mula nang dumami ang mga nagpo-post sa socmed tungkol sa diumano’y van na nangunguha ng kabataan.

Ito ay kasunod ng naiulat na pagkawala ng 9 kabataan sa Pasay City, kamakailan.

Dagdag pa rito, nag-trending sa Twitter ang topic na ‘keep safe everyone’ na may kasamang mga screenshots ng posts ng ilang netizens.

Base sa mga post na kumalat, tila walang oras ang diumano’y mga nangunguha ng kabataan dahil pagala-gala ang mga ito sa ilang lugar sa bansa, partikular sa Metro Manila.

Ang istayl, hihintuan ang target at magtatanong ng daan, saka hihilahin papasok sa van.

May ilang netizens ding nagpo-post na sila mismo ang nakakita ng tangkang pagdukot, pero suwerteng nakatakbo ang target.

Samantala, kung takot na takot ang mga tao na lumabas ng bahay, nilinaw naman ng ilang Local Government Units (LGUs) ang sitwasyon sa kanilang nasasakupan.

Anila, mahigpit na mino-monitor ang bawat lugar upang masigurado na walang gumagalang van, gayundin, wala pa naman daw silang natatanggap na report ng nawawalang kabataan.

Totoo man o hindi, hindi natin masisisi kung natatakot ang mga magulang para sa kanilang mga anak, lalo na ang mga nag-aaral at inaabot nang dis-oras ng gabi sa labas.

May iba namang hindi nagpadaig sa takot kaya nagbigay pa ang mga ito ng ilang paalala sa mga kababayan natin na palaging nasa labas.

Anila, magdala ng pepper spray o anumang matulis na bagay habang naglalakad o nag-aabang ng masasakyan at sumabay sa maraming tao kapag naglalakad.

Naiintindihan natin ang iba na wala namang intensiyon na manakot at gusto lang magpaalala para sa kaligtasan ng lahat, pero sana ay mag-isip tayong mabuti bago mag-post dahil sa panahon ngayon, napakahirap nang tukuyin kung ano ang totoo o hindi kapag naka-post na sa internet.

Walang imposible sa masasamang-loob kaya ang panawagan sa mga lokal na pamahalaan, dagdagan ang mga checkpoint sa bawat lugar at isagawa ito sa mga pribado o pampublikong sasakyan.

Gayundin, magpakalat ng pulisya sa bawat kanto, lalo na sa hindi masyadong dinaraanan ng tao.

Hindi man natin masabi kung may katotohanan ito, huwag nating kalimutang maging alerto at mapagmatiyag sa anumang oras.

Sa ganitong pagkakataon, ibayong pag-iingat, pagdarasal at presence of mind ang ating kailangan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page