SEA Games, i-enjoy at suportahan muna, saka resbakan ang mga nega
- Bong Revilla
- Nov 29, 2019
- 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Bukas na gaganapin ang pinakamalaking opening ceremony sa kasaysayan ng Southeast Asian Games sa Philippine Arena kung saan inaasahang mahigit 50,000 atleta, opisyal, fans at manonood ang makikibahagi.
Malaki ang ginawa nating paghahanda bilang host country, kaya ganu’n na lang ang pagkabigla ng marami dahil sa unang bugso ng mga balita ay nagsabugan ang mga negatibong pangyayari kesa sa mabuti.
Sana, iwaksi muna natin ang politika at pagpapakalat ng mga fake news para lamang guluhin ang napakalaking event na ito sa ating bansa at sa halip ay suportahan natin ang ating mga atleta.
Sa kabuuan ay maayos na ang lahat at wala na tayong nakikitang problema ngayon sa 30th Southeast Asian Games at maging ang ating mga atleta ay doble rin ang pagsisikap para makapagbigay ng karangalan sa bansa.
Hindi lang tayo ang excited sa gaganaping SEA Games ngayong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 dahil maging ang ating mga kababayan ay ramdam na ramdam na ang kanilang pananabik.
Buumbuo ang pag-asa sa atin ng mga lumahok mula sa iba’t ibang bansa, dahil first time na ang mga palaro ay decentralized, bawat lugar ng kompetisyon ay ikinalat sa 23 siyudad sa buong bansa at hinati ito sa apat na clusters.
Higit sa lahat, matagal-tagal na rin na hindi tayo nag-host ng SEA Games dahil ang pinakahuli natin ay noon pang 2005, bale, ito pa lamang ang pang-apat na pagkakataong tayo ang host.
‘Yung pinakauna nating nag-host ay noong 1981 tapos nasundan nooong 1991 kaya dapat pinaghahandaan natin itong mabuti dahil marami ang nagtitiwala sila sa atin.
Base naman sa mga lider, eksperto at coaches ng mga manlalaro, nasa 220 gold medals ang kanilang target na inaasahan nilang makakaya ng ating mga manlalaro.
Ang mga atletang nasa contact sports ay inaasahan umanong makakakuha ng, at least, 15 golds sa 20 events habang ang mga fighters natin mula sa judo, kickboxing, jiu-jitsu, sambo at wrestling ay kumpiyansang makakakuha ng limang panalo bawat isa.
Ayaw namang magsiguro ng ating mga boksingero, wushu fighters, taekwondo jins at dragonboat paddlers ngunit, base sa kanilang track records ay palagi silang nag-uuwi ng gintong medalya.
Ang dancesports ay inaasahang tatangay ng 10 gintong medalya, maliban pa sa skateboarding kung saan angat ang ating Asian champion na si Margielyn Didal, na tangka namang walisin ang eight-event competition.
Masaya ito dahil kalat-kalat ang mga lugar na pagdarausan ng mga laro — sa Metro Manila, Southern Luzon, Subic at New Clark City sa Capas, Tarlac, nasa 1,115 Pinoy athletes mula sa 56 sports na lalahukan para sa 530 events kabilang na ang 753 coaches at mga opisyal.
Inaasahan din na hahakot ng ginto ang mga larong archery, billiards, bowling, chess, cycling, fencing, golf, ice skating, karatedo, pencak silat, sailing, sepak takraw, shooting, tennis, triathlon, weightlifting at windsurfing.
Handang-handa rin ang ating manlalaro sa baseball, basketball, ice hockey, rugby, softball at polo na lalong magdaragdag-saya sa makasaysayang palarong ito.
Hindi pa man ay nakikita na natin ang tagumpay ng event na ito kaya sana ay huwag tayong magsawang suportahan ang ating mga manlalaro at kalimutan na ang kaunting kakulangan.
#WeWinAsOne, pero dapat papanagutin ang mga nagkulang!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments