top of page

Proseso ng colonoscopy para masuri ang duming may dugo

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Nov 29, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Ako ay edad 56 at nakararamdam ng kakaiba sa aking pagdumi at parang may kasama ring dugo, paminsan-minsan. Wala naman akong ulcer kaya ipinayo ng aking internist na magpa-check-up sa gastroenterologist dahil baka kailangan kong ma-colonoscopy. Ano ba ang ginagawa sa colonoscopy? Masakit ba ‘yun?— Lito

Sagot Ang colonoscopy ay panloob na pagsusuri ng malaking bituka at tumbong gamit ang instrumentong tinatawag na colonoscope.

Ang colonoscope ay may kalakip na maliit na kamerang nakakabit sa nababaluktot na tubo. Hindi tulad ng sigmoidoscopy na ang naaabot lamang ay ang ikatlong ibabang bahagi ng malaking bituka, ang colonoscopy ay nagsusuri ng buong kahabaan ng colon.

Ang pasyente ay mahihiga nang patagilid sa kaliwang bahagi at ang mga tuhod ay ititiklop patungo sa dibdib. Pagkatapos mabigyan ng gamot na pampakalma at pang-alis ng kirot, ang colonoscope ay padaraanin sa puwitan. Ito ay dahan-dahan at maingat na ipapasok sa bukana ng malaking bituka at kung minsan ay pinaaabot sa pinakamababang bahagi ng maliit na bituka.

Nagpapakawala ng hangin ang scope upang maging malinaw ang pagtingin sa loob ng bituka. May kasama ring panghigop (suction) ang instrumento upang maalis ang mga dumi at tubig. Mas malinaw sa paningin ng nagsusuri kung ang scope ay papalabas. Kalimitang mas masusing eksaminasyon ang ginagawa sa ganitong pagkakataon. Gamit ang colonoscope, maaaring kumuha ng tissue samples sa pamamagitan ng maliliit na biopsy forceps. Maaaring magtanggal ng mga polyps gamit ang electrocautery snares.

Puwede ring kumuha ng litrato at magsagawa ng laser therapy.

Paano maghanda para sa pagsusuri?

Kailangang ganap na linisin ang bituka. Ang manggagamot ay magbibigay ng mga tagubilin para sa pagsasagawa nito. Ito ay maaaring kombinasyon ng mga labatiba (enema), hindi pagkain ng solid food sa loob ng dalawa o tatlong araw bago ang pagsusuri at paggamit ng laxatives. Karaniwang ipatitigil ang pag-inom ng aspirin, ibuprofen, naproxen o iba pang mga gamot na nagpapalabnaw ng dugo ilang araw bago ang colonoscopy.

Hihilingin din ang pag-inom ng maraming malinaw na likido (liquids) sa loob ng isa hanggang tatlong araw bago ang procedure.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page