Hindi raw palaging negatibo, beshy... Takot, nakakatulong para mailigtas ang buhay
- Twincle Esquierdo
- Nov 29, 2019
- 2 min read

Kapag takot ang pinag-uusapan, wala tayong ibang naririnig kundi mga negatibong bagay. Well, hindi naman natin ‘yun maiiwasan, pero alam n’yo ba na ang takot ay may positibong dulot din? Ayon sa mga eksperto, ang takot ay maaaring magligtas o maging sanhi ng pagkamatay ng indibidwal. Paano?
Ang takot ay maaaring ma-overcome at maaari ring lumala o mauwi sa phobia. At kapag lumala, maaari itong maging sanhi ng pagiging hirap sa pagtulog, pananalita, pag-iisip at pagkatuto.
Ngunit ang taong hindi madalas makaramdam ng takot ay hindi na nakararanas ng ganitong mga sintomas at makaiiwas sa phobia at mental illness tulad ng schizophrenia. Ang schizophrenia ay mental disorder na sumisira sa pag-iisip, emosyon at thought ng tao.
Samantala, ayon sa mga eksperto, ang takot ay may positibong dulot o nakatutulong sa iba’t ibang sitwasyon. Halimbawa, nasusunog ang bahay mo at dahil sa takot ay nakapagbuhat ka ng mabigat at nakatakbo palabas sa bahay. Dahil sa takot, tumataas ang adrenaline kaya lumalakas ang muscles at nakapag-iisip nang mabilis. Ang adrenaline ay hormone na tumataas kapag nakararamdam ng stress, takot o excitement ang indibidwal.
Bukod pa rito, napag-alaman ng mga eksperto na may iba‘t ibang ginagampanan ang takot na makatutulong sa atin. Ang takot ay puwedeng maging motibasyon. Halimbawa, pakiramdam ng indibidwal na hindi siya ligtas sa kanyang lugar kaya natatakot siya na may mangyaring masama sa kanya kaya ito ang nagiging motibasyon niya para humanap ng mas ligtas na lugar at makaiwas sa panganib.
Gayundin, dahil sa negatibong nakaraan na naging sanhi ng takot, ipinaaalala nito na maging maingat sa susunod na gagawin. Tulad ng nabanggit, ang takot ay nakapagpapataas ng adrenaline kung saan gumagana ang isip at nakakagawa ng mga solusyon nang kalmado. Bukod pa rito, ang takot ay nakatutulong din para malaman kung tayo ay nasa panganib at makapag-isip ng paraan para makaligtas.
Ang orientation signal naman ang in-charge kapag tayo ay nakadarama ng takot. Dahil dito, ang danger signal ay mabilis na pumupunta sa utak at nagsasabi kung paano tayo kikilos at gagawa ng paraan para makaligtas sa panganib. At ang huli ay may kinalaman sa social o pakikisama kung saan dahil sa takot mahusgasan ng ibang tao, itinatago mo ang tunay mong pagkatao.
Mga ka-Bulgar, normal lang na makadama ng takot dahil sa totoo lang, hindi sa lahat ng pagkakataon ay negatibo ang naidudulot nito. Tulad ng nabanggit, maaari nitong mailigtas ang ating buhay, gayundin, maaari itong maging leksiyon sa mga hindi magandang karanasan upang tayo at maging maingat. Okie?
Comments