BOC employee, tiklo sa suhol

Sinisimulan na ng Bureau of Customs (BOC) ang crackdown sa mga korup nilang empleyado sa pamamagitan ng pag-aresto at paghahain ng kasong administratibo at kriminal nitong Martes sa isang personnel-on-duty na nakaistasyon sa Manila International Container Port (MICP) na sinasabing tumanggap ng suhol.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na ang Assistant Customers Operations Officer na si Cesar Nierva ay tumanggap umano ng kabuuang P7,880 na iniipit sa mga dokumento na inihain sa Entry Processing Unit (EPU) kaya inaresto ito ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa anti-corruption driver ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, na nag-aatas kay Deputy Commissioner for Intelligence Group (IG) Raniel Ramiro na tugisin ang mga corrupt official at employee ng bureau.
Sinabi naman ni Guerrero na ang naturang latest sting operation ay magtutuluy-tuloy at hindi “one-time thing” o minsanan lamang.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang Customs Intelligence Group na tumatanggap si Nierva ng suhol mula sa mga broker at processor sa EPU.
Ipinasa naman ng unit ang impormasyon sa PCG, na siyang naatasang mangalap ng ebidensiya sa kaso.
Nitong Miyerkules, dinala si Nierva sa Manila Regional Trial Court (RTC) para isailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Article 210 ng Revised Penal Code na nagbabawal sa mga empleyado ng pamahalaan na tumanggap ng anumang alok, pangako at regalo na may kaugnayan sa pagtupad nila sa kanilang official duties.





Comments