Barcenilla, champ sa battle of GM’s, ready na sa SEAG

Tinapos na ng mga pambato ng Pilipinas ang kanilang paghahanda sa Southeast Asian Games sa pamamagitan ng paglahok sa 2019 Philippine Chess Championships “Battle of the Grandmasters” na pinagwagian ng nagbabalik na si GM Rogelio Barcenilla Jr. sa bakbakang nasaksihan sa Mindanao Avenue sa Project 6, Lungsod ng Quezon.
Pinangunahan sa torneo ni International Master Paulo Bersamina ang mga sasandalan ng bansa sa SEAG sa pamamagitan ng pagkolekta ng anim na puntos upang pumangalawa kasosyo si GM John Paul Gomez.
Dalawa pang kasapi ng RP team ay naging bahagi ng pangatlong pulutong na umiskor ng tiglilima at kalahating puntos. Ito’y sina IM Jan Emmanuel Garcia at GM Darwin Laylo.
Ang 15-anyos na si Daniel Quizon ay bumuntot sa kanila bitbit ang naipong 4.5 puntos.
Pitong puntos ang naging rekord ni Barcenilla sa paligsahan matapos umangkla ang dating hari ng juniors chess sa buong Asya at dating 3rd placer sa World Juniors Championships, sa halos walang mantsang apat na panalo at anim na tabla.
Sa isang mensaheng nakaposte sa social media, sinabi ng anak ng kampeon na si Gabriel na “...They said you’re a has-been and you proved all your haters wrong. Me and Mom and close friends couldn’t be more proud.”. Ang maybahay ni Barcenilla, si Lilibeth ay isa ring chess master at naging bahagi na rin ng pambansang koponan na sumabak sa Chess Olympiad.
Ang kampeonato ay nangangahulugang si Barcenilla, nakabase sa Arizona pero dumating sa bansa dalawang araw bago magsimula ang paligsahan, ang nakakuha ng isang tiket para maging bahagi ng Philippine Team na sasalang sa 2020 Chess Olympiad.





Comments