6 na gumagawa ng pekeng senior at PWD IDs, kulong

Timbog sa entrapment operation ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team ang anim na suspek sa paggawa ng mga pekeng ID ng senior citizens at persons with disabilities.
Kinilala ang mga ito na sina Rizaldy Sayana, Carlo Magno, Carlito Ibarra, Chris Alonzo, Joshua Flores at Angelica Aranda
Una rito, ipinag-utos ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pag-aresto sa mga naturang suspek matapos makatanggap ang kanyang tanggapan ng reklamo mula kay Director Re Fugoso ng Manila Department of Social Welfare.
Ayon kay Fugoso, marami nang nakumpiska na mga pekeng ID habang nagsasagawa ng data gathering activities ang kanyang tanggapan para sa monthly allowance ng mga senior citizen at PWD.
Matapos matanggap ang reklamo, nagsagawa ng entrapment operation ang MPD SMaRT sa ilalim ng pamumuno ni Police Major Rosalino Ibay, Jr., sa 829 Quezon Boulevard, Santa Cruz, Manila bandang alas- 3:00 ng hapon.
Kasama ng MPD SMaRT ang Bureau of Permits and Licenses Office sa isinagawang operasyon kung saan nadakip ang anim na suspek.
Nakuha mula sa mga suspek ang pekeng ID, dalawang computer sets at sampung pirasong P100 bill na marked money.
Kasalukuyang nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code (falsification of documents, use of falsified documents) at Article 176 ng RPC (manufacture and possession of instrument).





Comments