Laging mawawalan ng BF dahil sa pagiging sobrang selosa
- Maestro Honorio Ong
- Nov 28, 2019
- 2 min read
Maestro Honorio Ong

Katanungan
May boyfriend ako at kaibigan siya ng best- friend ko. Dumating ang point na nade-develop na rin iyong boyfriend ko sa bestfriend ko, kaya parang nagseselos ako sa tuwing magkakasama kami at sila ay nagbibiruan. Kahit sinabi ng boyfriend ko na magkaibigan lang sila ng best- friend ko ay nakipag-break ako sa kanya.
Nasasaktan ako kapag nakikita ko silang magkasama at sa tingin ko ay mag-on sila. Parang nagkamali ako ng desisyon. Naisip ko na dapat pala ay hindi ako nakipaghiwalay para hindi sila naging mag-on ng bestfriend ko.
Gusto kong malaman kung magkakabalikan pa kami ng ex ko? Tuwing nakikipag-break ako sa kanya noon ay nakikipagbalikan agad siya at inaamo ako, pero ngayon, hindi na.
Kasagutan
“It is not love that is blind, but jealousy.” Ito ang sabi ng British poet at novelist na si Lawrence Durrell. Ibig sabihin, dahil nagselos ka, nawalan ka ng boyfriend. Gayundin, nangangahulugan na tumpak si Lawrence Durrell na hindi pag-ibig ang bulag kundi ang mga seloso at selosa ang talagang nabubulag.
Hindi na kayo magkakabalikan pa ng ex-boyfriend mo, ito ang nais sabihin ng bahagyang pumangit, napatid at nagkabilog na unahang bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na dahil sa nagawa mong pagkakamali, ang magselos nang wala sa lugar at pagkatapos ay makipag-break ka sa boyfriend mo, tuluy-tuloy na ngang hahantong ang nabanggit na maling desisyon patungo sa unang kabiguan sa pag-ibig na kinumpirma ng birth date mong 9 at sobrang haba na Heart Line (Drawing A. at B. arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda ng babaeng likas na selosa na kung hindi magbabago ng ugali, tulad ng nangyayari at maaaring mangyari pa, sa susunod na pakikipagrelasyon ay malamang na maranasan mo na namang mawalan ng minamahal dahil sa pagiging selosa mo. Kung possessive o selfish love ang iyong paiiralin at hindi ang tunay na pag-ibig, posibleng maulit sa iyo ang nangyari sa inyo ng ex mo.
Mga Dapat Gawin
Ayon sa iyong mga datos, Cristy, matapos mawala ang boyfriend mo, sa 2020 sa buwan ng Abril hanggang Mayo, may bago ka na namang boyfriend, kaya lang kung muli kang magseselos nang walang sapat na dahilan, tulad ng nangyari, ang lalaking itinatangi-tangi at labis mo nang minamahal ay muli na namang mawawala (Drawing A. at B. 2-M arrow c.) sa iyong piling.
Upang pagkatapos, ayon sa iyong mga datos, sa ikatlong pag-ibig, dahil natuto ka na ng leksiyon sanhi ng mga nakaraan mong pagkakamali sa buhay, kasabay ng unti-unting pagma-mature ng iyong pagkatao, sa 2021 sa edad mong 24 pataas, isang lalaking isinilang sa buwan ng April ang darating sa iyong buhay, na magiging ikatlo at huling lalaking nakatakda mong ibigin (Drawing A. at B. 3-M arrow d.) na makakasama mo na sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments