VP Leni, puro satsat lang, wa’ aksiyon, tama lang na tinanggal sa drug war
- Bobi Tiglao
- Nov 27, 2019
- 3 min read
Matagal na nating alam ang kababawan ni VP Leni Robredo kaya hindi na tayo nagulat nang sipain na naman siya sa puwesto dahil sa halip na tumulong, siniraan lang niya ang programa ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Binigyan siya ng pagkakataon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpakitang-gilas sa mga botante nang italaga siya bilang co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Pero, ano ang kanyang unang ginawa sa halip na pag-aralan ang problema ng droga? Nakipag-usap siya sa mga banyaga, sa mga opisyal ng United Nations (U.N.) at United States (U.S.) para tulungan kuno tayo sa isyung ito.
Mawalang-galang na, Madam Leni, matagal na tayong hindi kolonya ng U.S., tapos na ang panahon kung saan kailangan nating humingi ng abiso mula sa mga Kano. Hindi ‘tuta’ ng mga Kano ang kasalukuyang administrasyon.
Sa totoo lang, kung droga lang din ang pag-uusapan, mas maraming problema ang U.S.. Ito ay dahil ang Mexico ay nagdurusa sa gitna ng kalakasan ng mga drug cartel. Halos kapitbahay na ng U.S. ang Mexico, kaalyado sa negosyo at marami rin Mexicano ang U.S. citizens na, pero walang magawa ang mga Kano sa problema ng ilegal na droga at kahit pa sa sarili nitong bansa.
Tapos tatakbo ang VP ng dilawan sa mga puti para tulungan tayo o baka tulong sa pagkudeta kay Pangulong Duterte ang gusto niyang gawin?
Sa kanyang tatlong linggo bilang co-chairman ng ICAD, walang ginawang matino si VP Leni. Gusto niyang ipatanggal ang Oplan Tokhang. Hindi ba niya alam na dahil sa programang ito ay maraming adik at tulak ang sumuko sa gobyerno?
Bagama’t, maraming napatay na sangkot sa droga, ang mga ito ay ayaw sa pagbabago o nanlaban sa kapulisan. Ano ang gusto ni VP Leni, hayaan ng mga pulis na sila ang mabaril o mapatay ng mga ito?
Nakadidismaya na ipinagkalat ng kampo nito ang maling balita kung saan libu-libo raw na inosente nating kababayan ang napatay sa “tokhang”. Pero kasinungalingan ito, ilang ulit na itong pinabulaanan ng mga awtoridad.
Common-sense na lang, kung totoong may pinapatay “araw-araw” ang mga pulis, palagay ba ninyo, aabot ng 80 porsiyento ang approval rating ng pangulo? Marami sa ating mga kababayan ang aprubado ang “tokhang”, matapos nilang masaksihan ang mabuting epekto nito.
Bumaba ang bilang ng kriminalidad sa Metro Manila at iba pang parte ng bansa. Nabawasan ang insidente ng mga karumal-dumal na krimen na kinasasangkutan ng mga adik. FYI, madam, ang tokhang ay galing sa Bisayang salita na “toktok” o pagkatok sa bahay at “hangyaro” na ibig sabihin ay makiusap.
Sinira ni VP Leni ang imahe at reputasyon ng Pilipinas sa tuwing binubuksan nito ang kanyang bibig. Matapang siyang magsalita dahil back-up niya ay ang mga opisyal, media at iba pang amuyong ng dilawan. Tsk!
Samantala, kung hindi na bago sa atin ang kapalpakan ni VP Leni, nagulat tayo kay Senate Minority Leader Franklin Drilon nang sabihin nitong “dismal failure” o malaking kabiguan ang “Build, Build, Build” Program ng administrasyong Duterte.
Huh? Sa dinami-rami ng puwede niyang batikusin sa kasalukuyang administrasyon, ito pa ang pinagdiskitahan niya? Hindi tulad ng opisyal na ito, marunong tumingin ang mga botante, nakikita nila ang malaking pagbabago sa bansa na dulot ng mga imprastruktura tulad ng MRT7 Project, Mega Subway, LRT East Extension Project, Cavite-Laguna Expressway, Skyway Stage 3 na magkokonekta ng SLEX at NLEX at marami pang iba.
Noong panahon ni ex-P-Noy na idolo ng dilawan, anong malaking imprastruktura ang kanyang nagawa? Wala, maalat ang panunungkulan niya dahil masyado siyang busy sa paglalaro ng video games.
Desperado na siguro si Drilon para sa kanyang Partido Liberal. Walang lumalabas na matinong miyembro ng oposisyon na maaaring humarap sa kung sinuman ang susuportahan ni Pangulong Duterte bilang pangulo sa 2022.




Comments