Mabuhay ang atletang Pinoy magkaisa at suportahan sila!

Photo: @apldeap/@chris_tiu17
Hinikayat ng mga atletang sina Alejandro Baldo Jr, dating PHL Azkals U22 team member, Chris Tiu, dating team Captain ng Gilas Pilipinas National Team at Anton Cayanan, miyembro ng PHL Badminton Team ang publiko na magkaisa at suportahan ang “Team Philippines.”
Kung tutuusin anila may “common problems” din silang naranasan sa nakaraang international sports events sa ibang bansa at naroon iyon sa kanilang social media accounts. Natural lang daw ang mga aberya pero hindi nila pinansin at pinalaki iyon.
Pakiusap ni Alejandro Baldo Jr., dating Azkals player sa publiko na mas ibuhos ang lakas at panahon sa pagsuporta sa Filipino athletes kaysa ang maghanapan ng mali. Naibahagi pa ng dating midfielder ang isang video na nagtutulak sila ng double-decker bus sa gitna ng kalye nang tumirik ito habang inihahatid sila sa isang hotel sa Bangkok. “Dahil wais tayong mga Pinoy imbis na magalit at magreklamo ginawa na lang natin ito sa pinakamasayang experience,” saad ni Baldo.
“Problema sa pagkain kasi paulit-ulit, problema sa transpo at kung anu-ano pa. Lahat po yan ay napagdaanan ng mga atletang Pinoy ‘pag tayo po ang dumadayo sa ibang bansa, pero para sa amin ay laro pa rin ang nasa isip namin,” ayon sa dating Azkals player. Problema rin nila ito noong tune-up game nila sa Thailand noong 2012 sa AFC U22 C’ship qualifiers pero mas nakapokus sila sa laro.
Sabi naman ni Badminton national player Anton Cayanan noong 2017 SEAG sa Malaysia, na-delay din ang kanilang transpo service at naihatid pa sila sa maling hotel. Hindi rin sapat ang suplay ng kanilang pagkain pero isinaayos din agad. “For sure ‘di lang kami ang sports na nakaranas ng mga pagkukulang noong 2017 SEAG”, kuwento ni Cayanan sa socmed post niya.
Namroblema rin sina Chris Tiu, dating PBA cager sa ganyang klase ng mga isyu. Pero dahil isa siyang national athletes na mas gustong maging proud ang bansa para sa kanila hindi nila pinansin ang problema, mas pinagbuti pa nila ang performance at laging positibo sa lahat ng sinasalihang international sports event. “Sports is certainly a great platform to inspire the youth, promote good values and unite a nation. Let us not use it to divide us,” saad ni Tiu sa instagram post. Ang pag-host ng Pilipinas ngayong 2019 ng SEAG ay tsansa na ng bansa upang ipakita ang world class talents at skills ng Filipino athletes. Dapat ngayon pa lang ay ingay ng pag-cheers at pagsuporta ang naririnig natin para sa ating mga atleta bago pa man ang opisyal na simula ng SEAG! Mabuhay ang mga atletang Pinoy!





Comments