Iba’t ibang langgam na nagdadala ng suwerte at malas depende sa kulay at uri
- Sr. Socrates Magnus II
- Nov 27, 2019
- 2 min read
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa mga kaalaman na may kaugnayan sa paglabas ng mga langgam ngayong malapit na ang Kapaskuhan.
Sa nakaraang isyu, binanggit natin na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan ay naglalabasan ang mga langgam. Sinasabing mas magandang hayaan lang sila at huwag patayin dahil may hatid silang suwerte sa bahay kung saan sila namamalagi.
Narito ang iba't ibang klase ng langgam at mga suwerteng kalakip ng paglabas nila.
1. Pulang langgam - ito ang pinakamadalas makita na sinasabing “Kapag maramot ka, uubusin ka ng langgam.” Madalas nating marinig ang ganito kapag ang tao ay maramot, kuripot at sobrang masinop.
Kaya ang pulang langgam sa bahay ay simbolo ng kayamanan. Ito rin ay magkakatotoo sa bahay na kakikitaan ng mga pulang langgam.
2. Itim na langgam - kapag nakita ito sa bahay, ito ay may hatid na suwerte sa mga pakikipagsapalaran kaya ang nakatira sa bahay ay dapat magkaroon ng lakas ng loob at makipagsapalaran sa mga hamon ng kapalaran. Ang itim na langam ay nagbabalita na susuwertehin sa sugal ang mga nakatira rito.
3. Malaking langgam na pula o hantik - ito ay nagbabalita na ang bahay at mga nakatira ay magkakaroon ng masaganang buhay dahil aanihin nila ang bunga ng kanilang mga pagsisikap.
4. Langgam na may pakpak - bigla itong naglilitawan at sila ay libu-libo kung magsilabas at naaakit sila sa liwanag. Pinaniniwalaang may darating na suwerte sa mga nakatira kapag ang bahay nila ay nagkaroon ng langgam na may pakpak.
5. Langgam na puti - bihira lang silang makita, pero kapag nakita sila, mas magandang kunin sila at ilagay sa lalagyan na may matamis na likido at kapag natapos at namatay ang mga ito, kunin sila at ilagay sa maliit na supot na tela dahil sila ay isa sa mga powerful lucky charms.
May isang klase ng langgam na hindi magandang mayroon sa bahay at ito ay ang langgam na kuwitib na kulay pula, pero mas maliit kaysa sa pangkaraniwang pulang langgam.
Madalas ay kahit saang lugar sila nandu’n — sa kama, damit o kahit saan, bigla silang nakikita. Pero sa totoo lang, mahirap silang makita dahil sa kaliitan at mapapansin lang kapag nangagat na, gayundin, masakit itong mangagat.
Nagbababala ang kuwitib na ang bahay ay kailangan nang linisin dahil napababayaan na ng mga nakatira. Dapat mabuhay sa kalinisan ang tao kaya kapag may kuwitib sa bahay, huwag nang magdalawang-isip at maglinis na.
Ang bahay na hindi malinis ay naghahatid ng mga karamdaman sa mga nakatira at sakit na mahirap malunasan, lalo na kapag nagmula sa mga kuwitib.
Kaya sa lahat ng klase ng langgam, kuwitib ang may dalang kamalasan.
Good luck and God bless!




paano po kapag apanas na langgam