Sinibak sa drug war... Banta ni Leni: May ibubulgar ako!

May mga pagbubunyag na gagawin si Vice-President Leni Robredo tungkol sa giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Robredo, sa mga susunod na araw ay magbibigay siya ng ulat sa bayan at ihahayag ang mga natuklasan at kanyang mga rekomendasyon.
“Sa mga susunod na araw, magbibigay ako ng ulat sa bayan. Sasabihin ko ang aking natuklasan at ang aking mga rekomendasyon. Makakaasa kayo: kahit tinanggalan ako ng posisyon, hinding-hindi nila kayang tanggalin ang aking determinasyon,” ani Robredo.
Matatandaang, sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo bilang co-chairperson ng Interagency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
“Ano bang kinatatakutan ninyo? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ko? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ng taumbayan?” tanong pa ng opisyal.
Binigyang-diin ni Robredo na hindi niya hiningi sa pangulo ang posisyon pero, sineryoso nito ang kanyang trabaho.
“Mr. President, hindi ko hiningi ang posisyong ito. Pero sineryoso ko ang trabahong ipinasa ninyo. Ang hiling ng taumbayan, isang gobyernong tunay na kampeon laban sa ilegal na droga,” dagdag pa ng bise-presidente.
Tumagal lamang ng 18 araw sa posisyon si Robredo bago inihayag ng Malacañang ang pagsipa sa kanya.
Kasabay nito ay ipinaalala ni Robredo sa administrasyong Duterte na hindi siya ang kaaway ng kampanya laban sa ilegal na droga.
“Alalahanin natin na ang droga at mga drug lord ang kalaban — hindi ako at lalong hindi ang taumbayan,” diin ni Robredo.
“Kung pareho naman ang ating layunin, bakit hindi na lang tayo magtulungan? Hindi ba talaga sila seryoso sa laban o may interes ba tayong nabangga?” pahayag pa ng opisyal.





Comments